Home METRO Kanlaon patuloy nagbubuga ng abo

Kanlaon patuloy nagbubuga ng abo

2
0

NEGROS ISLAND, Philippines – Patuloy ang pagbuga ng abo ng Kanlaon Volcano matapos ang katamtamang malakas na pagsabog nito noong Oktubre 10, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Nakapagtala ang Phivolcs ng tatlong ash emission sa loob ng 24 oras hanggang hatinggabi ng Martes, Oktubre 13. Tumagal ang mga ito ng 20 hanggang 139 minuto. Umabot naman sa 700 metro mula sa bunganga ng bulkan ang pinakahuling abo at inanod pahilagang-kanluran.

Ayon kay Phivolcs Director Teresito Bacolcol Jr., nagpapatuloy ang pagbuga ng abo dahil sa mga volcanic gas at materyales na lumalabas sa bunganga ng bulkan kahit natapos na ang unang pagsabog. Patuloy na minomonitor ng ahensya ang direksiyon ng abo upang matukoy ang mga posibleng maapektuhang lugar.

Nakapagtala rin ng 13 volcanic earthquake, kabilang ang limang volcanic tremor na tumagal ng dalawa hanggang 64 minuto. Katamtaman namang mataas ang sulfur dioxide emission sa 932 metriko tonelada nang huling sukatin noong Oktubre 12.

Nananatili sa Alert Level 2 ang Kanlaon, na nangangahulugang may pagtaas ng aktibidad nito. Nagbabala ang Phivolcs na posible pa rin ang biglaang steam-driven o phreatic eruption at mga senyales ng paggalaw ng magma.

Ipinagbabawal ang pagpasok sa apat na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) sa paligid ng bulkan. Bawal din sa mga sasakyang panghimpapawid ang lumipad malapit dito.

Samantala, pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na manatili sa loob ng bahay kapag may ashfall dahil maaaring mawalan ng visibility at mabarahan o masira ang makina ng mga sasakyan.

Kung kailangang bumiyahe, pinapayuhan ang mga motorista na magmaneho nang mabagal, tiyaking sapat ang windshield wiper fluid at buksan ang headlights kahit araw.

Para sa walang N95 mask, maaaring tiklupin at bahagyang basain ang panyo o tela at gamitin itong pantakip sa ilong at bibig. Maaari ring magsuot ng dalawang karaniwang face mask.

Pinayuhan din ang publiko na panatilihing nakasara ang mga lalagyan ng inuming tubig at hugasang mabuti ang mga prutas at gulay bago lutuin o kainin. Dapat ding manatili sa loob ang mga alagang hayop dahil maaaring makairita sa kanilang mga mata at makapinsala sa paghinga ang abo. Tiyakin ding walang abo ang kanilang pagkain at inumin. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here