Home HOME BANNER STORY Senior citizens, puwedeng pumili ng mas malaking discount — SC

Senior citizens, puwedeng pumili ng mas malaking discount — SC

2
0

MANILA, Philippines — Nilinaw ng Supreme Court (SC) na maaaring piliin ng senior citizens ang mas malaking diskuwento sa pagitan ng regular na 20% senior citizen discount at promotional discount na iniaalok ng mga establisimyento.

Sa desisyong inanunsyo nitong Miyerkoles, Oktubre 14, sinabi ng Kataas-taasang Hukuman na hindi maaaring pagsabayin ang dalawang diskuwento o magpatong ng karagdagang 20% discount sa presyong nabawasan na dahil sa promosyon.

Nakabatay ito sa Republic Act No. 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010, na nagbibigay ng 20% discount sa mga kwalipikadong produkto at serbisyo para sa mga Pilipinong edad 60 pataas.

Sa ilalim ng batas, kung may promotional discount ang isang produkto o serbisyo, maaaring piliin ng senior citizen ang diskuwentong mas pabor sa kanya.

Kaugnay nito, pinawalang-sala ng SC si Orville U. Ong, general manager ng isang hotel sa Bacolod City, sa kasong paglabag sa Senior Citizens Act.

Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng dalawang senior citizen na umano’y hindi nabigyan ng kanilang 20% discount sa hotel accommodation.

Depensa ni Ong, nabigyan na ng 20% discount ang mga panauhin sa pamamagitan ng napagkasunduang room rate para sa Cebu Bikers Club, kung saan sila miyembro.

Nauna nang hinatulan si Ong ng Municipal Trial Court in Cities, Regional Trial Court at Court of Appeals.

Gayunman, binaligtad ng SC ang mga naunang desisyon matapos nitong kilalanin na naibigay na ang 20% discount sa pamamagitan ng napagkasunduang halaga ng kuwarto.

Binigyang-diin ng Korte Suprema na bagama’t layunin ng batas na protektahan ang kapakanan ng mga nakatatanda, dapat ding maging patas ang pagpapatupad nito sa mga negosyo.

Ayon sa SC, ang pagbibigay ng karagdagang diskuwentong lampas sa itinatakda ng batas ay magpapataw ng hindi makatarungang pasanin sa mga establisimyento. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here