Home NATIONWIDE Pag-atras ng prosekusyon sa 3 articles of impeachment vs VP Sara, walang...

Pag-atras ng prosekusyon sa 3 articles of impeachment vs VP Sara, walang dapat sisihin – Malakanyang

3
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na walang dapat sisihin sa naging desisyon ng prosekusyon na iurong ang tatlong articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Ang pahayag na ito ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ay tugon matapos hingan ng komento kung sino ang dapat sisihin ginawang pag-atras sa tatlong artikulo ng impeachment gaya ng Article I, na tumutukoy sa umano’y maling paggamit ng confidential funds; Article III, na may kaugnayan sa bribery; at Article IV, na tumutukoy sa grave threats.

Bukod dito, hiningan din ng reaksyon si Castro ukol sa kung bakit kumontra ang depensa sa nangyaring pag-atras sa tatlong articles of impeachment.

“Ang pagbitiw sa articles of impeachment, hindi naman natin nakitaan ng objection yung defense team, nagbigay lang sila ng manifestation. But the team did not give any objection,” ayon kay Castro.

“So, parang wala naman dapat sisihin dito, kasi parang sinisisi nila ang prosecution, yung senador judges, pero kung babasahin mo lahat, mapapanood mo lahat ng hearing, wala tayong marririnig na objection, iba yung objection sa manifestation,” aniya pa rin.

Nauna rito, pinagtibay ng Senate impeachment court ang pag-atras sa tatlong artikulo ng impeachment.

Dahilan para ang Article II na lamang ang natitirang lilitisin at pagdedesisyunan ng hukuman. Kabilang dito ang mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na kayamanan (unexplained wealth), maling deklarasyon ng ari-arian sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), at mga bawal na interes sa negosyo.

Samantala, nilinaw ni lead prosecutor at Batangas Representative Atty. Gerville Luistro na pinagkasunduan ng buong prosecution panel, kabilang ang kanilang mga pribadong abogado, ang desisyong iurong ang tatlong articles of impeachment laban kay VP Sara.

Iginiit ni Luistro na hindi nangangahulugang mahina ang tatlong inurong na sakdal dahil, aniya, pantay-pantay ang tibay ng apat na artikulo. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here