Home OPINION TUBIG ULAN, LIGTAS NGA BANG INUMIN?

TUBIG ULAN, LIGTAS NGA BANG INUMIN?

2
0

SA unang tingin, parang malinis at ligtas gamitin ang tubig-ulan. Wala itong kulay, walang nakikitang dumi, at tila sariwa pa dahil galing sa kalangitan.

Bago pa man bumagsak sa lupa, maaaring makapulot ang tubig-ulan ng alikabok, usok, polusyon at iba pang particles sa hangin. Kapag dumaloy naman ito sa bubong, alulod at mga lalagyan, maaari itong mahaluan ng dumi ng ibon, ipis, daga at iba pang hayop. Posible ring magkaroon ito ng bacteria, virus at parasite na maaaring magdulot ng sakit, lalo na kung gagamitin sa pag-inom o paghahanda ng pagkain.

Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ng Estados Unidos, hindi awtomatikong ligtas inumin ang tubig-ulan dahil maaari itong makontamina ng mikrobyo at chemical mula sa hangin, bubong, alulod at imbakan. Kaya hindi sapat ang simpleng salaan upang masabing ligtas na ito.

Una, gumamit ng malinis na sistema ng pangongolekta. Mainam ang first-flush diverter, na naglilihis sa unang agos ng ulan dahil maaari nitong dalhin ang naipong alikabok, dumi at iba pang kontaminasyon mula sa bubong. Takpan din ang imbakan upang maiwasan ang pagpasok ng insekto at iba pang dumi.

Ikalawa, alisin muna ang nakikitang particles sa pamamagitan ng sedimentation at paggamit ng approved na filter.

Ikatlo, para sa tubig na posibleng may mikrobyo, maaaring gamitin ang pagpapakulo bilang paraan ng disinfection. Pakuluan ito nang husto saka palamigin at ilagay sa malinis at may takip na lalagyan. Iyon nga lang, hindi sapat ang disinfection kung na-contaminate ng chemical ang tubig. Kailangan talaga ang kumpletong water treatment.

Ayon naman sa Philippine National Standards for Drinking Water ng Department of Health (DOH), kailangang matugunan ang pamantayang microbiological, physical at chemical. Patunay lamang na ang kalinawan ng tubig ay awtomatikong malinis at ligtas ito.

Mainam kung may balde o filtration kit na ipinapamahagi bilang tulong pero hanggang saan kaya ang kakayanan nito? Mag-ingat lang din sa mga nagbebenta ng kaparehong kit. Mahalagang alamin ang aktuwal na teknolohiya, kapasidad at sertipikasyon lalo na kung ipinapalagay na kaya nitong sumala, pumatay ng mikrobyo at i-neutralize ang anomang chemical.

Hindi sapat ang mukhang malinis na tubig, kailangang ligtas din ito sa pamantayan ng pagsusuri.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here