Home NATIONWIDE Kahit 23K paaralan walang principal, zero budget inilaan ng Palasyo – EDCOM

Kahit 23K paaralan walang principal, zero budget inilaan ng Palasyo – EDCOM

3
0

MANILA, Philippines – Natuklasan ng Education Commission 2 (EDCOM2) na walang badyet na inilaan ang Palasyo sa National Expenditure Program (NEP)  sa paglikha ng 14,000 item kahit umaabot na sa mahigit 23,000 paaralan ang walang principal sa buong bansa.

Sa ginanap na budget briefing sa Senado nitong Lunes, sinabi ni Department of Education (DepEd) Undersecretary Wilfredo Cabral na umabot lamang sa 22,000 mula sa 45, 928 pampublikong paaralan sa buong bansa ang may principal habang 23,000 ang walang pormal na principal item.

“Umabot sa 45% ng mga pampublikong paaralan ang nananatiling walang pormal na principal plantilla items, batay sa ulat ng Department of Education sa pagdinig ng Senado nitong Oktubre 16 sa panukala nitong budget para sa FY 2027,” ayon sa EDCOM.

Mas mababa ang bilang kumpara sa baseline noong Enero 17, 2026, kung saan 26,453 sa 48,113 na pampublikong paaralang pinamamahalaan ng DepEd o 55% ang walang Principal I hanggang IV plantilla items.

Zero budget allocation

Sa kabila ng nananatiling kakulangan, walang inilaan na budget sa panukalang FY 2027 National Expenditure Program para sa paglikha ng bagong school principal positions, ayon sa kalatas ng EDCOM.

Iniulat ng EDCOM sa Senate committee on finance na nagsumite ang DepEd ng budget request na P10.5 bilyon para makalikha at mapondohan ang mahigit 14,000 bagong Principal I items sa FY 2027, ngunit zero funding ang ibinigay sa executive proposal.

Dito nabahala si Senate President Sherwin Gatchalian sa pagsasabing “And next year this is the problem — walang budget. There is no budget for creation of new school principal positions. None of the 23,000 na walang principals is budgeted.”

Ayon kay Cabral, aasa ang DepEd sa P12.09 bilyong alokasyon sa ilalim ng Expanded Career Progression framework   upang matugunan ang kakulangan at maisagawa ang position reclassifications para sa kuwalipikadong Head Teachers at TICs.

“Habang hinaharap natin ang learning crisis, kailangan ng ating mga paaralan ng malakas na pamumuno mula sa may kakayahan at maayos na naitalagang school principals,” ayon kay Gatchalian.

Mahalagang isaalang-alang sa 2027 budget ang malaking kakulangang ito, lalo na ang pagbibigay prayoridad sa ating 13,313 na paaralan na walang school principal o kahit head teacher,” pahayag naman ni EDCOM Executive Director Karol Mark Yee.

“Nanawagan din kami sa DepEd na repasuhin ang implementasyon ng 2010 guidelines nito dahil sa magkakaibang praktikang nakikita sa mga paaralan, na nagpapakita ng pangangailangan ng maayos na monitoring at accountability systems upang maiwasan ang paglala ng mga hamong ito sa hinaharap,” dagdag niya.

Sa naturang briefing, sinabi ng DepEd na nakatulong ang paglikha ng karagdagang principal positions at reclassification ng kasalukuyang school heads upang mabawasan ang proporsyon ng mga paaralang walang pormal na principal items.

Iniulat ng DepEd na inaprubahan ng Department of Budget and Management ang paglikha ng 6,000 karagdagang School Principal I positions para sa FY 2026.

Sa bilang na ito, nasa 2,000 posisyon ang napunan na, habang 914 na Teachers-in-Charge ang na-reclassify at naging pormal na principal items.

Sa ilalim ng DepEd Order No. 77 series of 2010 — ang patakarang ginagamit ng DepEd sa pagtatalaga ng school principals — dapat bigyan ng “School Principal” plantilla item ang bawat paaralan na may hindi bababa sa siyam na guro, habang ang “Head Teacher” plantilla item naman ay para sa mga paaralang may hindi bababa sa anim na guro.

Para sa kumpol ng tatlong paaralan, itinakda ng patakaran ang pinagsamang minimum na siyam na guro para sa Principal item at anim na guro para sa Head Teacher item.

Labing-anim na taon ang nakalipas, lumalabas sa pagsusuri ng EDCOM na hindi nasunod ang mga patakarang ito: sa mga paaralang may 6 hanggang 8 guro, 5,628 o 41% ang may Head Teacher positions, 3,634 o 26% ang nakatanggap ng principal positions, habang 4,528 o 33% ang walang anuman.

Samantala, sa mga paaralang may 9 hanggang 24 na guro na kuwalipikadong magkaroon ng school principal positions, 9,053 o 54% ang may principal positions, habang ang natitirang 4,674 o 28% ay may Head Teacher positions na dapat ay para lamang sa mas maliliit na paaralan, at 3,038 o 18% ang walang anuman.

Mas malala pa sa mga napakalalaking paaralan na may higit sa 25 guro na malayong lampas sa 9 na guro na itinakda ng patakaran, 7,356 o 86% ang may principal positions, habang 449 o 5% ang may Head Teacher positions, at 727 o 9% ang walang anuman.

Sa kabuuan batay sa datos ng DepEd Enrollment para sa School Year 2025-2026 hanggang Enero 17, 2026 at DepEd Project Bukas Personnel Data para sa School Year 2023-2024: 21,544 ang may School Principal positions, 12,577 ang may Head Teacher positions lamang, at 13,313 ang walang School Principal o Head Teacher position.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here