Home HOME BANNER STORY Ulan ni bagyong Rosal samantalahin, mag-ipon ng tubig sa balde – Palasyo

Ulan ni bagyong Rosal samantalahin, mag-ipon ng tubig sa balde – Palasyo

4
0

MANILA, Philippines — Hinikayat ng Malacañang ang mga residente sa mga lugar na makararanas ng malakas na pag-ulan dulot ng Super Typhoon Rosal na mag-ipon ng tubig-ulan bilang paghahanda sa epekto ng El Niño.

Ayon kay Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro, maaaring makatulong ang ulan sa mga komunidad na kasalukuyang nakararanas ng tagtuyot at kakulangan sa suplay ng tubig.

“So, since kung ang lugar ninyo ay magkakaroon ng malakas na pag-ulan, tamang-tama baka mayroon kayong pagkakataon na mag-ipon ng tubig kung kayo ay nakakaranas ngayon ng tagtuyot sa inyong lugar,” ani Castro sa press briefing nitong Miyerkules.

Gayunman, sinabi ng Palace official na umaasa silang hindi magiging labis ang buhos ng ulan upang hindi magdulot ng panganib sa mga komunidad.

“Magandang pagkakataon ito, at ipagdasal na lang natin na huwag sanang ganoon kalakas; tamang lakas lang para maibsan ang epekto ng El Niño sa tatamaan ng bagyo,” dagdag niya.

Kasabay nito, tiniyak ng Malacañang na nakahanda ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno sa posibleng epekto ng bagyo.

Kabilang dito ang Department of Social Welfare and Development, Department of Public Works and Highways, Department of Environment and Natural Resources at Department of Health.

Itinaas ng PAGASA sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 ang Batanes habang papalapit sa extreme Northern Luzon ang Super Typhoon Rosal.

Inaasahang magdadala ang bagyo ng malakas hanggang matinding pag-ulan sa Batanes, habang maaari ring makaranas ng masungit na panahon ang iba pang bahagi ng Northern Luzon.

Nauna nang hinikayat ng administrasyon ang publiko na mag-ipon ng tubig-ulan bilang isa sa mga hakbang upang makatulong sa pagtitipid at pagtiyak ng suplay ng tubig habang nararanasan ng bansa ang epekto ng El Niño. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here