Home NATIONWIDE Kelot namaril ng live-in partner sa Bukidnon

Kelot namaril ng live-in partner sa Bukidnon

3
0

MANILA, Philippines – Patay ang isang 24-anyos na babae matapos umano siyang barilin sa ulo ng kanyang 25-anyos na live-in partner sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Butong, Quezon, Bukidnon, madaling-araw nitong Sabado, Oktubre 24.

Ayon sa Quezon Municipal Police Station (MPS), narinig ng mga kapitbahay na nagtatalo ang mag-live-in partner sa kanilang kuwarto bandang alas-1:10 ng madaling-araw. Sinundan ito ng pag-iyak at isang putok ng baril.

Agad na nagtungo sa kuwarto ang ama ng suspek at sinubukang pigilan ang kanyang anak. Gayunman, nakawala ang lalaki at tumakas patungo sa kalapit na tubuhan.

Natagpuan naman ng mga kaanak ang biktima na nakahiga sa kama at may tama ng bala sa noo. Agad siyang isinugod sa Bukidnon Provincial Hospital sa Maramag, ngunit idineklara siyang dead on arrival ng attending physician.

Narekober ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang bala ng kalibre .38 na baril. Batay sa paunang imbestigasyon, hinihinalang nag-ugat sa hindi pagkakaunawaan ng mag-partner ang pamamaril.

Matapos ang hot pursuit operation at pagpapatupad ng containment plan ng pulisya sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal, namataan ng mga barangay tanod ang suspek na bumabalik sa kanyang bahay bandang alas-7:30 ng umaga.

Inaresto ang suspek at pormal na itinurn-over sa Quezon MPS bandang alas-8:10 ng umaga, ayon kay Police Lt. Col. Erwin R. Naelga, hepe ng Quezon MPS.

Bagama’t walang nakuhang baril sa suspek nang siya ay arestuhin, nananatili siya sa kustodiya ng pulisya at sasailalim sa paraffin test habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here