MANILA, Philippines – Isang pump attendant ng isang gasolinahan ang naaresto makaraang naaktuhan na nakikipagkutsabahan sa ilang customer kapalit ng bayad sa pagpapakarga ng gasolina sa Tanza, Cavite.
Kinilala ang suspek na si alyas Albert, nasa hustong gulang.
Sa ulat, naganap ang insidente sa A’s Fuel sa Brgy. Punta 2, Tanza, Cavite, kung saan nagtatrabaho ang suspek bilang pump attendant.
Ayon sa may-ari ng gasolinahan, napansin nito sa kanyang pagbisita ang kaduda-dudang pag-uusap ng suspek sa isang customer na nagpakarga ng gasolina sa kanyang sasakyan.
Napansin ng may ari na matapos nakargahan ng suspek ng gasolina ang sasakyan ng customer ay umalis na ito at hindi nag-abot ng bayad.
Kaugnay sa nasabing insidente, pinanood ng biktima sa CCTV footage at dito nakita ang mga pangyayari kung saan kanyang nakumpirma na hindi nga nag-abot ng bayad ang customer.
Dahil dito, kinompronta ng biktima ang suspek kung saan inamin nito na hindi nga nagbayad ang customer ng halagang P5,000 na gasolina na kayang ipinakarga.
Ayon sa may-ari ng gasolinahan, sinadya nitong magmasid sa lugar nang napansin nitong nakaraang buwan na tila hindi tumutugma ang kanilang benta ng gasolina sa kanilang kinikita.
Dito na ipinaaresto ng may-ari ng gasolinahan ang suspek na nahaharap sa kasong theft. MARGIE BAUTISTA