Home OPINION KALSADA’Y DAANAN, HINDI DISCOHAN

KALSADA’Y DAANAN, HINDI DISCOHAN

3
0

HINDI lahat ng nasa kalsada ay gustong makinig sa tugtog (hindi musika?– Ed) ng ibang tao. Ngunit tila may mga motorista na walang pakialam kung nakabibingi na ang tunog ng kanilang stereo, Bluetooth o anoman ang tawag, basta todo-birit ang speaker at ramdam ng buong paligid ang kanilang pinatutugtog.

Pribado man o pampublikong sasakyan, may mga drayber na kung magpatunog ay para bang walang ibang taong kailangang igalang. Hindi na maituturing na simpleng pakikinig sa musika ang ginagawa nila. Sa sobrang lakas, nagiging ingay na itong sapilitang ipinakikinig sa mga taong walang pahintulot at wala namang interes na makinig.

Mas nakaiinis kapag pampasaherong jeepney ang sangkot. May mga tsuper na tila ginagawang mobile disco ang kanilang sasakyan, walang pakundangang pinatatagos ang malalakas na tunog sa mga tahanan, opisina at establisimyento sa kanilang dinaraanan. Hindi ba nila naiisip na may mga taong natutulog dahil galing sa trabaho, may mga estudyanteng nag-aaral, may mga empleyadong nagtatrabaho at may mga sanggol, matatanda at maysakit na nangangailangan ng katahimikan?

Sa madaling salita, walang pakialam (mismo!-Ed). Dapat batid nila na ang kalsada ay pampublikong lugar, hindi pribadong entablado ng sinomang gustong magpasikat sa lakas ng kanilang sound system. Ang kalayaan ng isang tao ay hindi lisensyang mang-abala at mang-abuso sa kapakanan ng iba.

Dapat nang kumilos ang Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board. Kailangang magkaroon ng malinaw at maipatutupad na mga panuntunan sa paggamit ng malalakas na sound system sa pribado at pampublikong sasakyan, lalo na sa mga pampasaherong jeepney. Dapat tukuyin ang mga paglabag, magtakda ng angkop na parusa at tiyaking pantay ang pagpapatupad ng mga regulasyon.

Kailangan kumilos rin ang lokal na pamahalaan. Dapat ay gumawa ng ordinansa na nagbabawal sa mga maiingay na tunog sa kalsada.

Hindi sapat ang panghuhuli sa mga walang plaka, walang lisensiya o lumalabag sa batas-trapiko. Bahagi rin ng disiplina sa kalsada ang paggalang sa kapakanan ng publiko.

Dapat mabatid ng mga driver, pampubliko man o pribado na ang tunay na disiplina ay hindi nasusukat sa lakas ng speaker kundi sa kakayahang igalang ang ibang tao. Hindi kailangang magtiis ang mamamayan sa ingay ng iilan. Oras nang ipatupad ang mga patakarang magbibigay ng katahimikan at kaayusan sa ating mga lansangan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here