HINDI dapat maging hadlang ang edad sa paglilingkod sa bayan. Sa pagkakatalaga kay Zofia Canlas, 27, bilang commissioner ng Presidential Commission for the Urban Poor, mahalagang suriin ang kanyang kakayahan.
Idiniin ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro na dumepensa sa appointment ni Canlas, dapat din siyang bigyan ng pagkakataong patunayan na karapat-dapat siya sa pwesto.
Para naman kay Pangulong Bongbong Marcos Jr., ang mahalaga ay may kakayahan at dedikasyon ang isang tao na maglingkod sa bayan, anoman ang kanyang katayuan sa buhay. May punto naman ito.
Hindi lang diploma o haba ng karanasan sa gobyerno ang batayan ng isang mahusay na lingkod-bayan. Mahalaga rin ang sipag, malasakit, at kakayahang gampanan ang trabaho.
Nagtapos si Canlas ng biology sa De La Salle University noong 2024. Noong 2025, naging chief of staff siya ng PCUP, bago naitalaga bilang commissioner ngayong 2026.
Napakabilis nga naman ng kanyang pag-angat, kaya may mga nagtatanong kung sapat ang kanyang karanasan. Kaibigan at lubos nating kilala ang kanyang tatay na opisyal din sa Office of the President. Ang pagkakaroon niya ng koneksyon ay hindi agad nangangahulugang hindi siya karapat-dapat.
May punto ang Palasyo na hindi kailangang abogado ang isang opisyal para makipag-usap at makipagnegosasyon sa mga nasa laylayan. Mas kailangan ang malasakit at dedikasyon, lalo sa pakikitungo sa mga pamilyang nangangailangan ng tulong.
Tungkulin ng PCUP na magsilbing pronta ng maralitang komunidad, kabilang ang mga pamilyang nanganganib mawalan ng tirahan. Kaya mahalagang marunong makinig at umunawa sa kanilang kalagayan ang namumuno sa ahensya.
Bilang dating chief of staff, siguradong kabisado na ni Canlas ang trabaho ng PCUP. Hindi ito garantiya ng kahusayan, pero maaari itong maging panimulang tuntungan sa kanyang bagong tungkulin.
Imbes intrigahin ang mga picture ng kanyang paglalakbay sa ibang bansa, mas mahalagang tingnan ang kanyang trabaho at mga magagawa.
Bigyan ng pagkakataon si Zofia na patunayang kaya niya ang mga responsibilidad sa PCUP sa pamamagitan ng aktwal na serbisyo.
Sa huli kasi, hindi edad o apelyido ang mahalaga. Ang tunay na sukatan ay kung may konkretong nagagawa para sa mga maralitang Pilipino.






