HINATULAN nang guilty o may pagkakasala ng Supreme Court (SC) ang mga awtor, nagpanukala at nagpatupad ng mga labag sa konstitusyon o unconstitutional na mga pambansang badyet o General Appropriations Act para sa mga taong 2024, 2025 at bahagi ng 2026.
Sabi ng SC, mahaharap sa mga kasong kriminal, sibil at admistratibo ang nasabing mga awtor, nagpanukala at nagpatupad ng mga nasabing GAA.
Kung hindi tayo nagkakamali, mga Bro, ang gagawin na lamang ng Office of the Ombudsman, Department of Justice, kasama ang National Bureau of Investigation at Philippine National Police, ay hanapin ang mga nasabing opisyal na awtor, nagpanukala at nagpatupad ng nasabing mga batas na GAA.
Kung iisipin, nagastos na ang lahat ng pondong sangkot sa 2024 at 2025 at ginagastos pa ang mga nalalabing pondo ng 2026.
Bagaman hindi na maibabalik pa ang mga pondong ginastos o pinakawalan ng gobyerno dahil sa “operative fact doctrine”, hindi dapat makawala sa kaso at kulungan ang mga awtor, nagpanukala at nagpatupad ng mga programa at proyekto para kumikbak dito.
Tanging ang mga benepisyaryo ng mga programa at proyekto na “in good fath” o walang kinalaman sa korapsyon at pandarambong ang malilibre sa kaso at kulungan.
P449.5+IBA PA
Partikular na tinukoy ng SC ang P449.5 bilyong pondo na inilipat mula sa programmed appropriations tungo sa unprogrammed appropriations at itinuring itong labis labis na halaga kumpara sa isinumite ng Palasyo sa Kongreso na National Expenditure Program o NEP kaya itinuring ang GAA 2024 na labag sa Konstitusyon.
Labag din sa konstitusyon ang GAA 2025 dahil sinobrahan ng P17.99B ang DPWH Special Road Fund habang ngayong 2026, labag naman sa Book VI, Chapter 4, Section 25 of the Administrative Code ang P12.75B sa Special Accounts sa General Fund ng ilang ahensya dahil lumagpas ito sa panukalang halaga sa NEP.
Labag din sa Konstitusyon at ganap na ipinagbawal ng SC ang paglalabas ng anomang halaga sa ilalim Special Provisions 1(a) and (b) of Chapter XLIII of the 2026 General Appropriations Act (GAA).
Ito’y dahil napakasaklaw ito, pawang lump sum o buuang halaga at walang detalye, walang prayoridad at nagbibigay sa ehekutibo na kapangyarihang gamitin ang pondo sa kung kanino at anomang bagay, programa o proyekto.
Sinasabi ng Department of Budget ang Management na walang nailalabas na pondo sa ilalim nito ngunit malalaman pa kung totoo o kasinungalingan ito.
Mayroon kasing malaking paniniwala na may napawalan nang pondo rito ngunit kung totoo man ang sinasabi ng DBM, walang katotohanan ang sinasabing may nasa P150B napawalan na rito.
SINO-SINO SILANG GUILTY?
Hindi nagpangalan ang SC ng mga personalidad ngunit sa 2024 GAA, minaniobra umano ng mga miyembro ng Bicameral Conference Committee ang P449.5B.
Paano naman kaya ang sinasabi mismo ng mga kritiko mismo na pinakamasahol ang 2025 GAA kumpara sa ibang mga GAA?
O kayo riyan sa OMB, DOJ, NBI, PNP, mga sir, kailan kayo magsimulang mag-imbestiga at magsampa ng mga kaukulang kaso, ayon sa desisyon ng Hukuman?
Huwag ninyong sabihin na tanging ang mga nauugnay lang kay Vice President Sara Duterte ang inyong tutukuyin at aaksyunan!






