MANILA, Philippines – Apat na piloto ng Philippine Air Force (PAF) ang nasawi matapos bumagsak ang dalawang SF-260 trainer aircraft habang nagsasagawa ng routine training flight sa Lipa City, Batangas.
Kinumpirma ng PAF na nangyari ang insidente sa Fernando Air Base noong Oktubre 23, 2026, alas-3:51 ng hapon. Parehong bumagsak ang dalawang eroplano sa loob ng base perimeter. Wala nang ibang naiulat na nasawi o nasugatan.
Ayon kay PAF spokesperson Col. Alvin Jay Capinguian, iniimbestigahan na ang insidente upang matukoy ang sanhi ng pagbagsak ng dalawang aircraft.
Bilang precautionary measure, pansamantalang grounded ang buong SF-260 fleet ng Air Force habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Ginagamit ang naturang aircraft para sa training at light attack duties.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang PAF sa pamilya ng apat na nasawing piloto at tiniyak na nagbibigay ito ng kinakailangang tulong sa kanilang mga naulila.
Hiniling din ng Air Force sa publiko na igalang ang privacy ng mga pamilya habang nagluluksa ang mga ito.
Ang SF-260 ay isang light aircraft na ginagamit bilang military trainer at aerobatic aircraft. Dave Medina