MANILA, Philippines – Nagpatupad ang Bureau of Immigration (BI) ng leave ban sa mga tauhan nito sa mga paliparan mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 3 bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong Undas.
Ayon kay BI spokesperson Anisha Hadji Hassan, nililimitahan ang pag-apruba ng vacation leaves upang matiyak na sapat ang bilang ng immigration officers na naka-duty sa kasagsagan ng holiday travel.
Nagdadagdag din ang BI ng personnel sa mga international airport at may nakahandang Rapid Response Team na maaaring i-deploy sakaling kailanganin ng dagdag na immigration officers sa mga terminal.
Bukod sa dagdag na manpower, sinabi ng BI na nakahanda na rin ang immigration e-gates upang mapabilis ang pagproseso ng mga international passenger.
Pinayuhan naman ang mga biyahero na pumunta nang mas maaga sa airport at tiyaking kumpleto ang kanilang travel documents upang maiwasan ang aberya at pagkaantala.
Pinaalalahanan din ang international travelers na ihanda ang kanilang eTravel registration, na maaaring gawin sa loob ng 72 oras bago ang aktuwal na departure o arrival. Dave Medina