MANILA, Philippines – Isang bus driver ang pansamantalang pinagbawalang magmaneho matapos magpositibo sa isinagawang surprise drug test ng Land Transportation Office (LTO) bilang bahagi ng pinaigting na road safety measures para sa Undas.
Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, kabilang ang driver sa 21 drivers at tatlong conductors na isinailalim sa random drug testing nitong Lunes, Oktubre 26.
Dahil sa initial result, isinuko muna sa LTO ang lisensya ng driver at pansamantala siyang hindi pinayagang magmaneho habang isinasagawa ang kaukulang proseso.
Sinabi ni Lacanilao na inirekomenda na rin niya ang posibleng pagbawi sa lisensya ng naturang driver kung makukumpirma ang paggamit ng illegal drugs.
Kasabay ng drug testing, nagsagawa rin ang LTO ng inspeksyon sa roadworthiness ng mga pampasaherong bus sa ilang terminal sa Metro Manila.
Sa isa sa mga inspeksyon, isang bus ang nahuling gumagamit ng improvised license plate nang walang kaukulang awtorisasyon at hindi umano sumusunod sa pamantayan sa paggamit at pagpapakita ng plaka.
Pinababa muna ang mga pasahero at hindi pinayagang bumiyahe ang bus hangga’t hindi nito natutugunan ang mga patakaran ng LTO.
Binigyang-diin ni Lacanilao na prayoridad ng ahensya ang kaligtasan ng mga pasahero at magpapatuloy ang mahigpit na inspeksyon at random drug testing sa mga bus ngayong Undas.
Pinaalalahanan din ang mga operator at driver na tiyaking maayos ang kondisyon ng kanilang mga sasakyan at iwasang magmaneho sa ilalim ng impluwensya ng alak o illegal drugs. Santi Celario