Home HOME BANNER STORY Ikaw na bahala sa mga yan: Dizon, nagsumite kay Lopez ng dokumento...

Ikaw na bahala sa mga yan: Dizon, nagsumite kay Lopez ng dokumento kaugnay sa korapsyon sa DPWH

4
0

MANILA, Philippines – Isinumite ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) chief Vince Dizon nitong Martes kay bagong kalihim Giovanni Lopez ang makapal na dokumento ng mga tauhan ng ahensiya na umano’y sangkot sa korapsyon at iba pang iregularidad.

Noong Lunes, inilipat si Dizon bilang kalihim ng Department of Transportation (DOTr), kapalit ni Lopez, na siya namang pumalit sa kanya sa DPWH.

Sa seremonya ng turnover, iniabot ni Dizon kay Lopez ang mga dokumento at hiniling na repasuhin ang mga ito at tanggalin sa mga susunod na linggo ang mga tauhang mapatutunayang sangkot sa iregularidad.

“Ikaw na bahala sa mga yan, tanggalin mo na yan in the next few weeks. Reviewin mo na lang. Yan po yung mga susunod. Sorry, gano’n talaga; we have to get rid of the rotten apples and protect the good ones,” ani Dizon.

Ayon kay Dizon, mahigit 80 opisyal at tauhan ng DPWH ang natanggal sa puwesto dahil sa mga isyu ng korapsyon sa ilalim ng kanyang pamumuno. Posibleng madoble pa umano ang bilang matapos niyang isumite ang mga dokumento kay Lopez.

Sa kasagsagan ng imbestigasyon sa mga umano’y iregularidad sa mga flood control project, kabilang sa mga natanggal sina dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara at Brice Hernandez.

Nauna nang inamin ni Alcantara, na nag-apruba ng ilang flood control project sa kanyang nasasakupan, na pinatunayan niyang kumpleto ang mga proyektong hindi naman talaga naipatupad. Inamin din niyang tumanggap siya ng humigit-kumulang P300 milyon na kickback mula sa mga proyekto sa Bulacan.

Samantala, natukoy sa mga pagsusuri ng Commission on Audit ang iba’t ibang iregularidad sa tanggapan ni Hernandez, kabilang ang mga proyektong bayad na nang buo kahit kakaunti o walang aktuwal na implementasyon, gayundin ang mga pinekeng dokumento.

Noong nakaraang linggo, tinanggal din ni Dizon ang 10 opisyal at tauhan ng DPWH kaugnay ng imbestigasyon sa mga umano’y anomalya sa flood control project sa Davao City at sa alegasyong pangingikil sa mga kontratista sa Cebu City.

Nang tanungin kung magiging mas maluwag ang bagong pamunuan sa mga tauhang lumalabag sa mga patakaran, sinabi ni Dizon na mas mahigpit umano si Lopez kaysa sa kanya.

“Kung iniisip nila na si [Secretary Giovanni] is going to be easier or more lenient than me, aba I think everyone is in for a big surprise. Because I think the opposite is true, mas strikto sa akin ito,” ani Dizon.

Dagdag niya, mahusay si Lopez sa pagtukoy ng mga pagkakaiba at anomalya dahil isa itong certified public accountant. Naniniwala rin si Dizon na lalo pang paiigtingin ni Lopez ang mga repormang sinimulan sa DPWH.

Sinabi naman ni Lopez na wala siyang personal na utang na loob o dating propesyonal na ugnayan sa sinuman sa DPWH, kaya mas madali para sa kanya ang magpasya sa mahahalagang usapin.

“Wala akong political capital kaya pag sinabi kong hindi tama, hindi naaayon sa batas, hindi naaayon sa proseso, mas madali rin po akong magsabi na no kahit sino pa ang magpilit sa akin na sabihing kailangang gawin,” ani Lopez. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here