MANILA, Philippines – Isinumite ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) chief Vince Dizon nitong Martes kay bagong kalihim Giovanni Lopez ang makapal na dokumento ng mga tauhan ng ahensiya na umano’y sangkot sa korapsyon at iba pang iregularidad.
Noong Lunes, inilipat si Dizon bilang kalihim ng Department of Transportation (DOTr), kapalit ni Lopez, na siya namang pumalit sa kanya sa DPWH.
Sa seremonya ng turnover, iniabot ni Dizon kay Lopez ang mga dokumento at hiniling na repasuhin ang mga ito at tanggalin sa mga susunod na linggo ang mga tauhang mapatutunayang sangkot sa iregularidad.

“Ikaw na bahala sa mga yan, tanggalin mo na yan in the next few weeks. Reviewin mo na lang. Yan po yung mga susunod. Sorry, gano’n talaga; we have to get rid of the rotten apples and protect the good ones,” ani Dizon.
Ayon kay Dizon, mahigit 80 opisyal at tauhan ng DPWH ang natanggal sa puwesto dahil sa mga isyu ng korapsyon sa ilalim ng kanyang pamumuno. Posibleng madoble pa umano ang bilang matapos niyang isumite ang mga dokumento kay Lopez.
Sa kasagsagan ng imbestigasyon sa mga umano’y iregularidad sa mga flood control project, kabilang sa mga natanggal sina dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara at Brice Hernandez.
Nauna nang inamin ni Alcantara, na nag-apruba ng ilang flood control project sa kanyang nasasakupan, na pinatunayan niyang kumpleto ang mga proyektong hindi naman talaga naipatupad. Inamin din niyang tumanggap siya ng humigit-kumulang P300 milyon na kickback mula sa mga proyekto sa Bulacan.
Samantala, natukoy sa mga pagsusuri ng Commission on Audit ang iba’t ibang iregularidad sa tanggapan ni Hernandez, kabilang ang mga proyektong bayad na nang buo kahit kakaunti o walang aktuwal na implementasyon, gayundin ang mga pinekeng dokumento.







