MANILA, Philippines – Mas maraming Pilipino ang nagsabing kuntento sila sa naging depensa ni Vice President Sara Duterte sa kanyang impeachment trial kumpara sa prosecution, batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sa survey na isinagawa noong Setyembre 21 hanggang 27, lumabas na 47% ng mga respondent ang satisfied sa depensa ni Duterte, habang 30% lamang ang satisfied sa prosecution.
Samantala, 24% ang dissatisfied sa depensa habang 35% naman ang hindi kuntento sa prosecution.
Dahil dito, nakakuha ang depensa ng +23 net satisfaction rating, habang -5 naman ang naitala ng prosecution.
Pinakamataas ang net satisfaction sa depensa ni Duterte sa Mindanao sa +48, sinundan ng Visayas sa +27, Balance Luzon sa +14 at Metro Manila sa +6.
Sa prosecution naman, pinakamataas ang rating sa Balance Luzon sa +4, habang nakapagtala ng -8 sa Mindanao at kapwa -15 sa Visayas at Metro Manila.
Isinagawa ang survey bago ibasura ng House prosecution panel ang tatlo sa apat na impeachment articles laban kay Duterte.
Noong Oktubre 13, pinayagan ng Senate impeachment court ang pag-withdraw sa Articles I, III at IV, kaya Article II na lamang, na may kaugnayan sa alegasyon ng unexplained wealth, ang natitirang kaso.
Nakatakdang magpresenta ng ebidensya ang kampo ni Duterte sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa Nobyembre 9.
Nagsagawa ang SWS ng face-to-face interviews sa 1,500 adult respondents sa buong bansa. Dave Medina