MANILA, Philippines – Mahigit 141,000 personnel mula sa Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya ang ikakalat sa iba’t ibang bahagi ng bansa para sa seguridad at kaligtasan ng publiko ngayong Undas 2026.
Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Allen Rae Co, kabuuang 141,172 personnel ang kabilang sa deployment, mula sa PNP, Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, barangay tanod at iba pang force multipliers.
Layunin ng deployment na mapanatili ang peace and order habang dumadagsa ang mga biyahero pauwi sa kanilang mga probinsya at ang mga bibisita sa mga sementeryo para sa All Saints’ Day at All Souls’ Day sa Nobyembre 1 at 2.
Maglalagay din ng mga tauhan sa mga paliparan, pantalan at bus terminal dahil sa inaasahang pagdami ng mga pasahero.
Inaasahan ng PNP na magsisimulang dumami ang mga biyahero sa gabi ng Oktubre 29 at mas lalong tataas ang volume pagsapit ng hapon ng Oktubre 30.
Naghahanda rin ang mga awtoridad ng traffic advisories kaugnay ng road closures at alternative routes na ilalabas kapag pinal na ang mga ito.
Mananatili naman sa full alert status hanggang Nobyembre 2 ang PNP.
Posibleng ibaba o alisin ang alert status sa Nobyembre 3 depende sa sitwasyon at pangangailangan sa seguridad. Santi Celario