MANILA, Philippines – Magpapatupad ang Pasay City government ng road closures, one-way traffic scheme at designated parking areas malapit sa Pasay City Roman Catholic Cemetery mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2 para sa Undas.
Ayon sa lokal na pamahalaan, magiging eastbound lamang ang Arnaiz Avenue, habang isasara sa mga sasakyan ang bahagi ng kalsada malapit sa M. Dela Cruz Bridge sa Pasay-Makati boundary.
Ang mga motorista mula Makati na bumibiyahe sa Arnaiz Avenue ay ire-redirect sa hilagang bahagi ng Edison Street patungo sa kanilang westbound destinations.
Pinapayagan naman ang parking sa south side ng Arnaiz Avenue mula Tramo hanggang Hidalgo Street.
Gayunman, bawal ang parking sa magkabilang panig ng Arnaiz Avenue mula Hidalgo Street hanggang M. Dela Cruz Street.
Para sa mga bibisita sa Pasay City Public Cemetery, kabilang sa designated parking areas ang west side ng Aurora Boulevard o Tramo mula Legazpi Street hanggang Don Carlos Revilla Street, gayundin ang east side ng Aurora Boulevard mula Post Office area hanggang Five Star Bus Terminal.
Hinimok ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang publiko na planuhin nang maaga ang kanilang biyahe at sundin ang traffic regulations upang maiwasan ang pagsisikip at manatiling bukas ang mga kalsada para sa emergency vehicles.
Pinayuhan din ang mga motorista na sundin ang traffic signs at mga instruction ng traffic enforcers, lalo na sa mga kalsadang patungo sa sementeryo.
Mananatili ang traffic at parking measures mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2 para sa mas ligtas at maayos na paggunita ng Undas. Dave Medina