CEBU – Nanawagan si Cebu Archbishop Alberto “Abet” Uy sa mga mananampalataya na panatilihing tahimik, mapayapa at mapanalangin ang paggunita sa All Saints’ Day at All Souls’ Day o Undas ngayong weekend.
Paalala ni Uy, sagradong lugar ang mga sementeryo at hindi lamang simpleng lugar na binibisita minsan sa isang taon.
“As we bring flowers, light candles, and offer prayers, let us remember one important thing: the cemetery is sacred ground,” ani Uy.
Hinimok niya ang publiko na iwasan ang hindi kinakailangang ingay, malakas na musika, pagsigaw at malalakas na tawanan habang nasa sementeryo.
Ayon sa Arsobispo, natural lamang na magkuwentuhan ang mga pamilyang nagtitipon sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay, ngunit dapat pa ring maging maingat at magalang sa ibang maaaring tahimik na nagdarasal o nagluluksa.
“Our joy should never disturb another person’s prayer,” aniya.
Nanawagan din si Uy na panatilihing malinis ang mga sementeryo at pangalagaan ang kapaligiran.
Hinikayat niya ang publiko na magdala ng sariling tumbler, gumamit ng reusable bags, iwasan ang single-use plastics, magtapon ng basura sa tamang basurahan at huwag magsunog ng basura.
“As Christians, caring for creation is also part of our faith,” ani Uy.
Paalala pa niya, mahalagang igalang hindi lamang ang mga yumao kundi maging ang ibang taong pumupunta sa sementeryo upang manalangin at alalahanin ang kanilang mga mahal sa buhay.