MANILA, Philippines – Susubukan ng Commission on Elections (Comelec) ang paggamit ng messaging app na Viber sa pagpapadala ng resulta ng Nobyembre 13 special elections sa Batanes, basta’t papayag ang lahat ng kandidato at kanilang mga kinatawan.
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, bahagi ito ng pilot test ng bagong paraan ng transmission lalo na sa mga lugar kung saan maaaring maantala ang pagpapadala ng election results.
“Mayroon kaming bagong innovation na gagawin. Ipa-pilot test namin dito, kakausapin namin ang lahat ng mga kandidato,” ani Garcia.
Sa proposed arrangement, maaaring ipadala ng mga municipal board of canvassers, kabilang ang nasa Itbayat, ang election results sa pamamagitan ng Viber.
Gayunman, kailangan muna umano ang pagsang-ayon ng mga kandidato, kanilang representatives at lawyers bago gamitin ang sistema.
Kapag pumayag ang lahat, ipapadala ang resulta gamit ang accredited cellphone patungo sa cellphone ng board of canvassers.
Sa ganitong paraan, maaari nang pagsamahin ang mga boto nang hindi na hinihintay ang physical copies ng statement of votes at iba pang election documents.
Isasagawa ang special election upang punan ang bakanteng puwesto sa House of Representatives matapos pumanaw si Batanes Rep. Ciriaco Gato Jr. noong nakaraang buwan.
Tinatayang 13,138 botante ang inaasahang lalahok sa special election, kung saan apat na kandidato ang maglalaban para sa congressional seat.
Ayon kay Garcia, kabilang sa mga kandidato ang isang dating gobernador, dating Philippine Navy commodore, isang miyembro ng prominenteng political family sa lalawigan, at kamag-anak ng yumaong mambabatas.