Home NATIONWIDE Dura sa softdrinks: Titser iniimbestigahan sa parusa sa estudyante

Dura sa softdrinks: Titser iniimbestigahan sa parusa sa estudyante

3
0

PANGASINAN – Iniimbestigahan ang isang guro sa Mapandan, Pangasinan matapos umanong parusahan ang dalawang estudyante sa pamamagitan ng pagpapainom sa kanila ng softdrinks na may laway.

Kumalat sa social media ang video ng insidente na nangyari noong Oktubre 15 habang recess.

Batay sa salaysay ng isa sa mga bata sa kanyang ama, siya at isa pang estudyante umano ang dumura sa softdrinks bago ito ibigay sa kaklase na hindi alam na kontaminado na ang inumin.

Nang malaman umano ito ng guro, nagalit ito at pinainom umano sa dalawang bata ang naturang softdrinks bilang parusa.

Gayunman, sinabi ng school principal na hindi lamang umano laway ang inilagay ng dalawang estudyante sa inumin kundi pati ihi bago ito ibinigay sa kanilang kaklase.

Ayon din sa principal, wala umanong intensyon ang guro na aktuwal na painumin ang dalawang bata ng kontaminadong softdrinks.

Sinabi naman ng ama ng isa sa mga estudyante na bagaman ikinagalit niya ang nangyari, pinatawad niya ang guro dahil kinilala rin niyang may maling ginawa ang kanyang anak.

Hiniling lamang niya na hindi na maulit ang insidente at, kung maaari, ay mailipat ang guro sa ibang paaralan.

Hindi naman nagbigay ng pahayag ang mga magulang ng isa pang estudyante at ang gurong sangkot.

Sinabi ng Department of Education Region I na iimbestigahan nito ang insidente sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan.

Nakatakda ring sumailalim sa medical checkup ang dalawang bata at binisita na sila ng Municipal Social Welfare Department.

Tiniyak naman ni Mapandan Mayor Christian Vega na patuloy na tututukan ng lokal na pamahalaan ang kaso.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, bibigyan ng due process ang guro ngunit daraan ito sa kaukulang disciplinary procedure. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here