Home NATIONWIDE Bato: P50-M bounty naglalagay sa buhay ko sa panganib

Bato: P50-M bounty naglalagay sa buhay ko sa panganib

3
0
(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines – Iginiit ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na inilalagay umano sa “seryosong panganib” ang kanyang buhay dahil sa P50 milyong reward na inilaan ng gobyerno para sa kanyang pagkakaaresto.

Sa kanyang paghahain sa Supreme Court, sinabi ni Dela Rosa na ang pagtukoy sa kanya bilang “armed and dangerous” ay maaaring magbigay ng impresyon sa law enforcement units na asahan ang armadong pagtutol, na aniya’y maaaring humantong sa paggamit ng lethal force.

Humiling siyang pigilan ng Korte Suprema ang kanyang pag-aresto at pagsuko sa International Criminal Court (ICC).

Nauna nang itinuring ng gobyerno si Dela Rosa bilang fugitive at nag-alok ng P50 milyong reward para sa impormasyong hahantong sa kanyang pagkakaaresto.

Si Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police, ay pinangalanan ng ICC prosecutors bilang isa sa umano’y “co-perpetrators” kaugnay ng drug war noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Nanatili siyang hindi nagpapakita sa publiko matapos tangkaing isilbi ng mga awtoridad ang ICC arrest warrant laban sa kanya noong Mayo.

Tinanggap naman ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang paghahain ni Dela Rosa sa SC bilang bahagi ng kanyang karapatan bilang Filipino citizen, ngunit binatikos din niya ang senador kaugnay ng mga naging operasyon sa war on drugs.

Nauna nang tinanggihan ng Supreme Court ang kahilingan ni Dela Rosa para sa temporary restraining order laban sa kanyang pag-aresto, habang nakabinbin pa ang pangunahing petisyon na kumukuwestiyon sa legalidad ng ICC warrant. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here