Home HOME BANNER STORY Maulang Undas, inaasahan dahil sa ilang weather system

Maulang Undas, inaasahan dahil sa ilang weather system

3
0

MANILA, Philippines – Inaasahang magiging maulan ang mahabang weekend ng Undas dahil sa epekto ng ilang weather system, ayon sa PAGASA.

Paiiralin ang northeast monsoon o Amihan sa Northern Luzon, habang makaaapekto naman ang Shear Line sa silangang bahagi ng Luzon.

Ang Shear Line ay lugar kung saan nagtatagpo ang Amihan at Easterlies. Dahil sa magkaibang direksiyon at temperatura ng hangin, nabubuo ang mga ulap na maaaring magdulot ng thunderstorms.

Samantala, magdadala ng pag-ulan sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao ang trough ng isang low pressure area (LPA) sa Philippine Sea.

Batay sa tala noong Biyernes, alas-3 ng hapon, namataan ang LPA na bahagi ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa layong 475 kilometro silangan ng Borongan City, Eastern Samar.

Maliit ang posibilidad na maging bagyo ito dahil maaari itong humina at mawala pagdating sa kalupaan.

Sa Sabado, Oktubre 31, at Linggo, Nobyembre 1, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan sa Cagayan, Isabela, Aurora, Quezon at Bicol Region dahil sa Shear Line.

Makaaapekto naman ang trough ng LPA at ITCZ sa Western Visayas, Negros Island Region, Central Visayas, Northern Mindanao at Zamboanga Peninsula.

Magdadala rin ang Amihan ng malamig na panahon at panaka-nakang mahinang pag-ulan sa Batanes, Apayao at Ilocos Norte.

Pagsapit ng Lunes, Nobyembre 2, makaaapekto ang paglakas ng Amihan sa Northern at Central Luzon, na magdudulot ng mahinang pag-ulan sa Cagayan, Isabela at Aurora.

Samantala, magiging mainit at maalinsangan ang panahon sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa sa buong long weekend, bagama’t may mga pagkakataong magiging maulap. Posible rin ang panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms, lalo na sa hapon at gabi.

Inaasahan ding lalapit sa hilagang-silangang bahagi ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong may international name na In-fa sa weekend.

Alas-3 ng hapon, namataan ito sa layong 2,560 kilometro silangan ng Northern Luzon, taglay ang maximum sustained winds na 185 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 230 kilometro kada oras.

Posibleng pumasok ang In-fa sa PAR sa Martes o Miyerkules sa susunod na linggo at tatawagin itong Samuel kapag nakapasok na sa bansa.

Gayunman, mananatili itong malayo sa kalupaan ng Pilipinas dahil inaasahang lilihis ito pabalik sa hilagang bahagi ng Philippine Sea habang nasa loob ng PAR.

Pinayuhan ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga weather update dahil maaari pang magbago ang mga pagtataya. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here