Home NATIONWIDE 5 doktor na pumirma sa death cert ng mga nasawi sa drug...

5 doktor na pumirma sa death cert ng mga nasawi sa drug war, iimbestigahan ng Truth Commission

2
0

MANILA, Philippines – Nais ng Truth Commission na imbestigahan ang limang doktor na lumagda sa mga death certificate ng mga nasawi sa drug war matapos matuklasan ang umano’y mga hindi pagkakatugma sa nakasaad na sanhi ng kanilang pagkamatay.

Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa programang What We Know So Far nitong Biyernes, sinabi ng komisyon na may 13 kaso kung saan naglalaman ng maling impormasyon ang mga death certificate ng mga nasawi sa kampanya kontra droga.

Ayon sa komisyon, nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan ang mga bangkay, ngunit nakasaad sa kanilang death certificate na pneumonia, heart attack at sepsis ang sanhi ng pagkamatay.

Hukay muli ang mga labi ng 13 biktima at sinuri ni forensic pathologist Dr. Raquel Fortun.

Plano ng komisyon na sumulat sa Professional Regulation Commission (PRC) at Philippine Medical Association (PMA) upang hilingin ang imbestigasyon sa limang doktor na lumagda sa mga naturang death certificate. Ipapadala rin nito sa dalawang grupo ang mga dokumentong umano’y may maling impormasyon.

Hinimok din ng komisyon ang mga pamilya ng mga biktima ng drug war na lumapit sa kanila kung may nakasaad ding maling sanhi ng pagkamatay sa death certificate ng kanilang mga mahal sa buhay.

“Pwede sila lumapit sa Truth Commission. May proseso kaming gagawin para ma-vet, ma-ascertain yung mga information na ganyan. Pwede sila matulungan kung paano, halimbawa, lumapit sa PRC para ma-correct nga yung record,” ayon kay Commissioner Carlos Conde.

Sa pahayag, sinabi ng PRC na kinikilala nito ang panawagan ng Truth Commission. Binanggit ng ahensya na sa ilalim ng Professional Modernization Act of 2000, maaaring mag-imbestiga ang mga Professional Regulatory Board sa mga kasong may kinalaman sa umano’y paglabag ng mga propesyonal.

Maaari ring isumite ng Truth Commission sa PRC ang mga death certificate at iba pang kaugnay na dokumento.

“The Commission, through the Professional Regulatory Board of Medicine, shall evaluate the available evidence to determine the appropriate action and assess whether sufficient grounds exist to proceed with the conduct of a motu proprio investigation,” pahayag ng PRC.

Maaari rin umanong magsampa ang komisyon ng administratibong reklamo sa Professional Regulatory Board of Medicine, kalakip ang mga sumusuportang ebidensya.

“If it is established by substantial evidence that the concerned doctors committed violations of the Professional Regulatory Law, the Code of Ethics of the Medical Profession, or other applicable laws, rules, and regulations, the Professional Regulatory Board of Medicine may impose the penalty of suspension or revocation of their certificates of registration to practice medicine in accordance with law,” dagdag ng PRC.

Ayon pa sa ahensya, susunod sa umiiral na batas at mga patakaran ang imbestigasyon, magsimula man ito sa sariling pagkilos ng PRC o sa pamamagitan ng pormal na reklamo. Titiyakin din umano ang paggalang sa mga karapatan ng mga doktor na iniimbestigahan.

Hindi bababa sa 6,000 katao ang napatay sa kampanya kontra droga noong panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Tinataya naman ng mga human rights group na maaaring umabot sa 30,000 ang bilang ng mga nasawi.

Inaresto si Duterte at kasalukuyang nakadetine sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands, habang hinihintay ang paglilitis sa kanya kaugnay ng kasong crimes against humanity. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here