MANILA, Philippines — Positibo si Senate President Win Gatchalian na patungo na ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa pangmatagalang kapayapaan at matagal nang inaasam na pag-unlad ng ekonomiya.
“Binabati natin ang mga kababayan natin sa BARMM at si Abdulraof Macacua sa pagkakaluklok niya bilang chief minister ng buong rehiyon. Naniniwala tayong isusulong ng bagong liderato ang good governance at, sa tulong ng mga stakeholders, itataguyod niya ang pag-unlad ng ekonomiya at kapakanan ng bawat isa sa rehiyon,” pahayag ni Gatchalian.
Ginawa ng Senate President ang pahayag matapos magtipon kamakailan ang mga miyembro ng Bangsamoro Parliament para sa kanilang inaugural session, kung saan inihalal si Macacua bilang chief minister.
Ayon kay Gatchalian, dapat magkaisa ang mga grupong pulitikal, civil society organizations at mga lokal na pamahalaan sa likod ng bagong administrasyon ng BARMM upang matiyak ang katatagan at inklusibong pag-unlad.
“Matagal nang inasam ng lahat ang pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa BARMM at sa buong Mindanao. Kumpiyansa tayong makakamit natin ang pangarap nating mas maunlad na komunidad para sa ating mga kapatid na Muslim at sa buong Mindanao,” dagdag pa niya.