Home METRO C-5 rehab sisimulan sa huling linggo ng Nobyembre — DPWH

C-5 rehab sisimulan sa huling linggo ng Nobyembre — DPWH

6
0

MANILA, Philippines – Nakatakdang simulan sa huling linggo ng Nobyembre ang rehabilitasyon ng Circumferential Road 5 o C-5, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sinabi ni DPWH Secretary Giovanni “Banoy” Lopez na target maibigay ang notice of award pagsapit ng Nobyembre 18 at ang notice to proceed makalipas ang isang linggo, kung walang magiging problema sa procurement.

Isasagawa ang proyekto nang pa-phase upang mabawasan ang epekto sa trapiko, lalo na ngayong papalapit ang holiday season.

Makikipag-ugnayan din ang DPWH sa Metropolitan Manila Development Authority at mga lokal na pamahalaan.

Katulad ng ginagawang rehabilitasyon sa EDSA, plano ring isagawa ang karamihan ng trabaho mula hatinggabi hanggang madaling araw upang maging passable muli ang kalsada kinabukasan.

Sakop ng proyekto ang humigit-kumulang 23-kilometrong bahagi ng C-5 mula Kalayaan Interchange hanggang Capitol Hills Drive.

Bukod sa pag-aayos ng mga lubak at hindi pantay na bahagi ng kalsada, palalawakin din ang mga bangketa para sa mga pedestrian at siklista.

Nasa P2.5 bilyon ang pondong inilaan sa proyekto, na kukunin mula sa P11 bilyong natipid sa EDSA Rehabilitation Project.

Target matapos ang C-5 rehabilitation sa pagitan ng Enero at Pebrero 2028.

Samantala, muling binuksan na rin ang magkabilang lane ng Pasig Boulevard-C-5 Flyover matapos ang retrofitting works nitong long weekend. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here