Home METRO Lalaking nanaksak ng aso, umatake ng pulis arestado sa Taguig

Lalaking nanaksak ng aso, umatake ng pulis arestado sa Taguig

3
0

TAGUIG CITY, Philippines – Arestado ang isang 34-anyos na lalaki matapos umanong saksakin ng kitchen knife ang isang aso at atakihin ang rumespondeng pulis noong Oktubre 31, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Nangyari ang insidente sa JP Rizal Extension, Barangay Cembo, matapos humingi ng tulong sa pulisya ang mga opisyal ng Northside barangay kaugnay ng naiulat na pananakit sa aso.

Rumesponde ang mga pulis mula sa Sub-Station 11 ng Taguig City Police Station at nakipagtulungan sa mga tauhan ng barangay upang matunton ang suspek.

Habang hinahabol, umano’y binato ng lalaki ng malaking bato ang mga rumespondeng awtoridad at tinangkang saksakin ang isang pulis na nagtamo ng mga pinsala.

Nadakip din kalaunan ang suspek at narekober sa lugar ang isang 15-pulgadang kitchen knife.

Nakaligtas ang aso at nailigtas bago ibinalik sa may-ari nito. Dinala naman sa Taguig-Pateros District Hospital ang suspek at sugatang pulis para magpagamot. Nanatili sa medical observation ang suspek habang nasa kustodiya ng pulisya.

Inihahanda na ng mga imbestigador ang mga reklamo laban sa lalaki kaugnay ng paglabag sa Republic Act 8485, na inamyendahan ng RA 10631 o Animal Welfare Act, gayundin sa direct assault, disobedience to a person in authority at alarms and scandals sa ilalim ng Revised Penal Code.

Sa ilalim ng Animal Welfare Act, nakadepende ang parusa sa tindi ng pinsala sa hayop at sa mga pangyayari sa krimen.

Kung mabuhay ang hayop ngunit magtamo ng malubhang pinsalang makaaapekto sa kakayahan nitong mabuhay nang mag-isa, maaaring maparusahan ang salarin ng pagkakakulong mula isang taon at isang araw hanggang isang taon at anim na buwan at/o multang hanggang P50,000.

Kung mamatay naman ang hayop, maaaring umabot sa isang taon at anim na buwan hanggang dalawang taon ang pagkakakulong at/o P100,000 na multa. Para sa mga kasong kinasasangkutan ng sindikato, public officers o ilegal na komersyal na pagmamalupit sa hayop, maaaring umabot sa tatlong taon ang pagkakakulong at/o P250,000 na multa.

Ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., hindi dapat balewalain ang mga insidente ng pagmamalupit sa hayop at dapat itong ireport sa mga awtoridad.

“Acts of cruelty against defenseless animals must never be dismissed as minor offenses. The PNP will ensure that such incidents receive appropriate police action and that perpetrators are held accountable under the law,” ani Nartatez.

Hinimok din niya ang publiko na ireport sa mga awtoridad ang anumang kaso ng pang-aabuso sa hayop. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here