Home NATIONWIDE Isa pang Pinoy green card holder sa US, kinasuhan ng voter fraud

Isa pang Pinoy green card holder sa US, kinasuhan ng voter fraud

3
0

MANILA, Philippines – Nahaharap sa kasong voter fraud ang isa pang Filipino na may green card sa United States (US) dahil sa umano’y ilegal na pagpaparehistro at pagboto sa mga halalan, ayon sa US Department of Justice (DOJ).

Sa inilabas na pahayag ng US DOJ, kabilang ang 43-anyos na Filipino na residente ng Palmdale, California sa mga dayuhang kinasuhan ng pederal na pamahalaan dahil sa ilegal na pagpaparehistro at pagboto.

Ayon sa ahensya, ilegal na nagparehistro sa botohan ang Filipino noong Agosto 2009 matapos magsinungaling at sabihing isa siyang US citizen.

Bumoto rin umano siya sa pamamagitan ng mail-in ballot noong Mayo 2020, Nobyembre 2024 at Hunyo 2026.

Kasama rin sa mga kinasuhan ang limang iba pang dayuhan: isang 31-anyos na Mexican na residente ng Palmdale, 35-anyos na Israeli mula West Hills, 52-anyos na Canadian mula Agua Dulce, isang Iranian mula Canoga Park at isa pang Mexican na residente ng Palmdale.

Bahagi ang mga kaso ng “Operation Protect the Vote,” isang koordinadong operasyon ng pederal na pamahalaan sa California upang matukoy ang pandaraya sa halalan at maprotektahan ang integridad ng pagboto.

Ayon sa US DOJ, lahat ng anim na kinasuhan ay lawful permanent residents o may hawak na green card. Gayunman, nilinaw ng ahensya na hindi sila US citizens at wala silang legal na karapatang magparehistro o bumoto sa mga halalan sa bansa.

Noong Oktubre 26, iniulat din ng US DOJ na apat na Filipino ang kabilang sa 48 indibidwal na kinasuhan kaugnay ng ilegal na pagboto, mapanlinlang na pagpaparehistro at iba pang paglabag sa batas sa halalan.

Ayon kay First Assistant United States Attorney Bill Essayli, may libo-libong pinaghihinalaang hindi mamamayan ng US sa listahan ng mga botante sa California. Hinimok niya ang estado na makipagtulungan sa kanila upang beripikahin ang citizenship ng mga bumoboto.

Sinabi rin niyang 34 na indibidwal na ang kinasuhan sa ilalim ng Operation Protect the Vote at lahat ng pangalan ng mga ito ay nasa listahang ibinigay nila sa mga opisyal ng California.

“Every illegal vote cast and counted cancels the legitimate vote of an American citizen. We will continue to arrest and prosecute those who threaten our democratic republic through unlawful vote dilution,” aniya.

Nakatakdang humarap sa unang pagdinig ang mga akusado nitong Lunes ng hapon (US time) sa US District Court sa Los Angeles.

Kapag napatunayang nagkasala, maaari silang maharap sa maximum na limang taong pagkakakulong sa pederal na bilangguan, ayon sa US DOJ. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here