MAYNILA, Pilipinas — Mas pinabilis, mas direktang naaabot, at mas maaasahan na ang serbisyo para sa
mga manggagawang Pilipino. Pormal nang inilunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE),
sa pangunguna ni Labor Secretary Francis N. Tolentino, ang bagong DOLE Hotline 15/30 upang magbigay
ng patuloy at round-the-clock na suporta sa buong bansa.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing mas accessible at mabilis ang
serbisyo ng pamahalaan, pinangunahan ni Secretary Tolentino ang opisyal na paglulunsad ng hotline sa
lingguhang pagtaas ng watawat sa DOLE Central Office sa Intramuros, Maynila.
Hango sa Araw ng Sweldo, Pamalit sa Lumang Hotline
Ang pangalang 15/30 ay hango sa tradisyunal na araw ng pasahod o payday ng mga manggagawang
Pilipino tuwing ika-15 at ika-30 ng buwan. Ito ang opisyal na pumalit sa dating 1349 service hotline.
Ayon kay Secretary Tolentino, magsisilbi itong tulay upang mas madaling matugunan ang lahat ng mga
katanungan, isyu, at reklamo na may kinalaman sa paggawa anumang oras ng araw.
"Ngayong araw pong ito, atin pong inilulunsad na opisyal ang 15/30. Pag-dial niyo ng 15/30, 24/7
nationwide merong taong sasagot tungkol sa mga problema ng manggagawa," pahayag ng Kalihim.
Ugnayan sa pagitan ng DOLE at TESDA
Binigyang-diin din sa paglulunsad ang mahalagang papel ng Technical Education and Skills Development
Authority (TESDA) sa ilalim ng mas malawak na misyon ng kagawaran para sa mga manggagawa.
Ayon kay Secretary Tolentino, malaki ang bahagi ng TESDA sa pagbibigay ng koneksyon at kaukulang
pagsasanay sa mga nais pumasok sa labor force. Bilang tugon, tiniyak ni TESDA Secretary/Director
General Kiko Benitez ang buong suporta sa pamamagitan ng pagtataguyod ng isang epektibong sistema.
"Ngayon na may hotline na po ang DOLE, we're going to find a referral mechanism para po kung may
tanong po na dumaan sa hotline ng DOLE ay ma-refer po nang maayos naman sa TESDA," ani Secretary
Benitez.
Sa pamamagitan ng bagong Hotline 15/30 at pakikipagtulungan ng iba pang ahensiya tulad ng TESDA,
tinitiyak ng pamahalaan na ang bawat manggagawang Pilipino ay mayroong maaasahang kakampi sa
oras ng pangangailangan.






