Home OPINION GOBYERNO TULOG SA PISONG LUMULUBOG

GOBYERNO TULOG SA PISONG LUMULUBOG

3
0

WALA pang opisyal na anunsyo ng panibagong pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, ngunit maraming gasolinahan ang hindi na nag-aksaya ng panahon kaya’t nang sandaling humina ang piso kontra dolyar, agad na namang sumirit ang presyo ng kanilang mga produkto. Ang bilis kumilos kapag dagdag-presyo, pero kapag pagbaba ang usapan, napakabagal kumilos!

Natural lang na hindi katanggap-tanggap na basta na lamang ipasa sa mamimili ang epekto ng paghina ng piso, lalo na kung ang ibinebentang produktong dati nang binili sa mas mababang halaga ng palitan.

Huwag itanggi ng mga may-ari ng gas station ang umiiral na sitwasyon dahil marami sa kanila ang buking na buking na. Hindi makatarungang itaas kaagad ang singil sa mga produktong naipwesto na sa mga tangke ng gasolinahan bago pa ang pagtaas ng palitan ng piso kontra dolyar.

Hindi nangangahulugang walang anomang batayan ang pagtaas dahil lamang lumang stock ang ibinebenta. May iba pang salik sa pagpepresyo, gaya ng halaga ng bagong suplay, buwis, gastos sa transportasyon at iba pang obligasyon. Ngunit hindi rin dapat gawing palusot ang pabago-bagong palitan ng salapi upang bigyang-katwiran ang anomang dagdag-presyo nang walang malinaw na paliwanag.

Dito dapat kumilos ang Department of Energy at Department of Trade and Industry. Suriin nila ang presyo ng aktwal na biniling suplay, petsa ng pagdating nito, gastos at batayan ng bawat dagdag-presyo. Kung may indikasyon ng mapagsamantalang pagpepresyo o paglabag sa batas, imbestigahan at panagutin ang mga sangkot. Maaari ring kumilos ang Securities and Exchange Commission kung may usaping saklaw ng kapangyarihan nito sa mga kumpanyang rehistrado sa ahensya.

Nasaan ang gobyernong Marcos habang muling kinakapos ang mga pamilyang Pilipino? Ang bawat dagdag sa gasolina ay may kasunod na epekto sa pamasahe, paghahatid ng pagkain, presyo ng bilihin at gastos sa kabuhayan. Hindi lang motorista ang tinatamaan sapagkat buong sambayanan ang nagdurusa.

Hindi sapat ang paliwanag na bumagsak ang piso. Kailangang ipakita kung makatarungan ang bawat sentimong idinadagdag sa presyo. Hindi pwedeng sabihin na lang ng Pangulo na “Don’t panic!”

Bakit dito sa Pilipinas laging mamamayan ang talo at mga negosyante at opisyal ng pamahalaan ang panalo?

Panahon na upang magkaroon ng malinaw na imbestigasyon at agarang aksyon ang pamahalaan. Huwag sanang hayaang gawing negosyo ang paghihirap ng taumbayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here