KUNG totoo ang mga sinasabi ng mga kritiko na puno ng kabalbalan o korapsyon ang bersyon ng Kamara sa panukalang pambansang badyet para sa taong 2027, ano kaya ang kahihinatnan nito?
Nagtatanong tayo, mga Bro, dahil sa ngayon, dumaraan ang bersyon ng Kamara sa hindi lang masusing pagsusuri kundi pagpupurga ng mga senador ng lahat ng labag sa Konstitusyon at batas na laman nito.
Ngunit may pagdaraanan pa ang panukalang badyet gaya ng lumilitaw na “higit na makapangyarihan” pa sa Kamara at Senado…ang Bicameral Conference Committee o Bicam.
Sa nakaraang mga Bicam, hindi lang pagpaplantsa sa mga sigalot sa bersyon ng Kamara at Senado ang pinagdedesisyunan kundi maging ang pagdadagdag sa pondong panukala ng National Expenditure Program mula sa ehekutibo.
Ito ang isa o pinakamalaking dahilan ng desisyon ng Supreme Court para ideklarang labag sa Konstitusyon o unconstitutional ang mga pambandang badyet o General Appropriations Act noong 2024, 2025 at bahagi ng 2026.
Daraan din sa pagsusuri ni President Bongbong Marcos ngayon, na may kapangyarihang i-veto ang buong panukalang GAA o mga bahagi nito.
ILANG KATANUNGAN
Ang katanungan sa Pangulo: Aaksyon ba siya katulad ng pagkuwestiyon niya sa desisyon ng Supreme Court na labag sa Konstitusyon ang GAA 2024, 2025 at ilang bahagi ng 2026?
Alalahaning inutusan ng Pangulo ang Solicitor General na magsumite ng Motion for Reconsideration para baligtarin ang nagkakaisang desisyon ng 13 Hukom ng Supreme Court bagaman dalawa rito ang hindi sumali.
‘Yun bang === pipirmahan ba niya ang buong panukalang 2027 GAA sa kabila ng matinding pagtutol sa buo o mahahalagang bahagi nito ng mga kritikong mambabatas, civil society organizations at iba pa?
Gagayahin ba ng Pangulo ang liderato ng Kamara na nagpasa ng bersyon nito na may mga taliwas na laman sa National Expenditure Program sa kabila ng pagtutol ng halos lahat ng minorya roon?
Totohanin naman kaya ng mga senador ang kanilang banta na pupurgahin nila ang bersyon ng Kamara?
Alalahaning taon-taong sinasabi ng mga senador ito ngunit nakalulusot pa rin ang mga bulate at kasama sa mga inaaprubahan at pinipirmahan ng Pangulo.
HULING HIRIT AT TOP 10 SA PORK BARREL
Malinaw sa mayorya sa mga kongresman at kaalyado nilang mga senador na huling hirit na ng administrasyong Marcos ang badyet para sa 2027 dahil sa 2028, iba na ang Pangulo ng Pilipinas na rerenda sa pambansang badyet.
‘Yan ay kung magkakaroon ng halalang 2028.
Kakambal ng huling hirit ang hindi nila inasahang pagbababa ng Supreme Court ng desisyon nito unconstitutional ang mga GAA sa 2024, 2025 at bahagi ng 2026.
Kaya naman, lumitaw ang pagkakaroon ng mga pork barrel na bilyon-bilyong piso o daan-daang milyong piso sa bawat kongresman sa anyo ng hard at soft projects.
Kabilang sa hard projects ang mga imprastraktura na itatayo ng Department of Public Works and Highways na itinuturing na Basic Infra Projects para sa bawat kongresman at soft projects naman ang mga ayuda sa kalusugan, kamatayan, kagutuman, edukasyon na ipararaan sa guarantee letters ng mga mambabatas.
Ano-ano nga kaya ang mangyayari sa panukalang GAA 2027 sa Bicam at kay Pangulong Bongbong?






