TINGNAN: Makikita si Bacoor City Mayor Strike Revilla habang masayang pinapa kita ang alaga ng anak na si Chayeli sa Facebook live nakaraan.
BACOOR CITY, CAVITE — Hiling at nais ni Bacoor City Mayor Strike B. Revilla ang pag-amyenda sa Animal Welfare Act at Local Government Code upang mabigyan ang mga lokal na pamahalaan ng kapangyarihang magpataw ng mas mabibigat na parusa laban sa pagmamalupit, pang-aabuso at pagpapabaya sa mga hayop.
Nais ni Revilla na repasuhin ang Section 458 ng Local Government Code na naglilimita sa multa sa P5,000 at pagkakakulong ng hanggang isang taon, gayundin ang Animal Welfare Act o RA 8485, na inamyendahan ng RA 10631.
Bilang isang pet lover, naniniwala ang alkalde na nararapat lamang na mabigyan ng proteksyon ang mga hayop na itinuturing nang bahagi ng pamilya. Kahit mayroon siyang asthma, hindi ito hadlang sa kanyang pagmamahal at malasakit sa mga alagang hayop.
Kasabay nito, isinusulong din niya ang pagtatayo ng pet crematorium na pag-aari ng Pamahalaang Lungsod ng Bacoor upang mabigyan ang mga pet owner ng maayos, abot-kaya at marangal na serbisyo para sa kanilang mga alagang pumanaw.
Kaugnay ito ng kontrobersiya sa Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium na umabot na sa mahigit 200 ang mga nagrereklamo hanggang Nobyembre 3.
Iniutos na ng LGU Bacoor ang pagpapatigil sa operasyon ng establisimyento habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Posibleng kasong estafa ang inaalam ng mga awtoridad, depende sa resulta ng imbestigasyon.
Hinimok ni Revilla ang mga complainant na makipagtulungan sa Bacoor City Police upang mapagtibay ang kanilang mga reklamo at maisampa ang kaukulang kaso.
Inatasan na rin niya ang paghahanda ng mga ordinansa para sa mas mahigpit na regulasyon at pagbabantay sa mga pet crematorium at pet cemetery sa lungsod.
Nagpasalamat din ang alkalde kay NBI Director Atty. Melvin Matibag sa agarang tulong ng ahensya sa imbestigasyon.
Tiniyak ni Revilla na patuloy na kikilos ang pamahalaang lungsod upang maprotektahan ang mga hayop, mapangalagaan ang mga pet owner at matiyak na mananagot ang mga negosyong mapatutunayang lumalabag sa batas. RNT