MANILA, Philippines – Iginiit ng Department of Agriculture (DA) na kailangan pa ring mag-angkat ng ilang produkto, partikular ng bigas, bago pa lumala ang epekto ng El Niño sa bansa.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa na hindi dapat hintaying malagay sa alanganin ang suplay bago kumilos ang pamahalaan.
Aniya, bagama’t sapat pa ang kasalukuyang suplay, kailangan itong dagdagan bilang paghahanda sakaling lumala ang matinding init at tagtuyot.
Aminado si De Mesa na maaaring makatanggap ng batikos ang DA dahil sa importasyon, ngunit mas mainam aniyang maging handa kaysa maabutan ng kakulangan sa suplay.
Binigyang-diin din niya na hindi lamang Pilipinas ang apektado ng El Niño kundi maging ang ibang bansang pinagkukunan ng mga inaangkat na produkto.
Dagdag pa ni De Mesa, nakatutok ngayon ang ahensya sa kalagayan ng mga magsasaka at mangingisdang lubhang naaapektuhan ng matinding init at gumagawa na rin ng mga hakbang upang mabigyan sila ng kinakailangang tulong.