MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mahalaga ang pagkakaroon ng sariling pinagkukunan ng natural gas upang matiyak ang matatag at maaasahang suplay ng kuryente para mapalakas ang pangmatagalang seguridad sa enerhiya ng bansa.
Sa kaniyang talumpati sa seremonya ng unang pagpapadaloy ng suplay ng natural gas sa Malampaya Onshore Gas Plant sa Batangas City, sinabi ng Pangulo na direktang nararamdaman ng mga pamilyang Pilipino ang pagkakaroon ng sariling pinagkukunan ng enerhiya.
Ayon kay Pangulong Marcos, magmumula sa karagatan ng Palawan ang natural gas na dadaan sa Malampaya gas transmission infrastructure patungong Batangas bago makarating sa mga planta ng kuryenteng gumagamit ng natural gas na nagsusuplay sa Luzon grid.
“From offshore Palawan, this indigenous natural gas will flow through the Malampaya gas transmission infrastructure to Batangas, and ultimately to the gas-fired power plants serving the Luzon grid. Ano ang ibig sabihin nito para sa bawat pamilyang Pilipino? Sariling gas. Mas maaasahang kuryente. Mas matatag na enerhiya ng bansa,” ang bahagi ng pahayag ng Pangulo.
Sinabi ni Pangulong Marcos na makatutulong ang lubos na paggamit sa natural gas mula sa Malampaya upang magkaroon ng mas mababang presyo ng kuryente dahil mababawasan ang pagdepende ng bansa sa mga inaangkat na pinagkukunan ng enerhiya na apektado ng pabago-bagong presyo sa pandaigdigang merkado.
Binigyang-diin din ng Pangulo na mahalaga ang magkaroon ng sariling enerhiya ang bansa para isulong ang pag-unlad ng bansa lalo’t lumalaki ang pangangailangan sa enerhiya dahil sa paglago ng ekonomiya.
Ayon sa Pangulo, mahigit kalahati ng suplay ng enerhiya ng Pilipinas noong nakaraang taon ay nagmula sa ibang bansa, dahilan upang maging bulnerable ang sektor ng enerhiya sa mga nangyayaring girian sa ibang bansa na nagreresulta ng pagkaantala ng suplay at pagbabago ng presyo sa pandaigdigang merkado.
“That is why we need to explore and develop more local energy resources, especially renewable energy sources,” dagdag pa ng Pangulo.
(Kaya kinakailangan nating tuklasin at paunlarin ang mas maraming lokal na pinagkukunan ng enerhiya, lalo na ang mga mapagkukunan ng renewable energy).
Samantala, nakamit ng Malampaya Phase 4 (MP4) project ang milestone na First Gas matapos matagumpay na maipasok sa kasalukuyang Malampaya production system and natural gas mula sa Malampaya East-1 at Camago-3 wells.
Kabilang sa proyekto ang pagbabarena ng dalawang deepwater well at paglalagay ng subsea infrastructure upang maiugnay ang mga ito sa kasalukuyang Malampaya production platform.
Inaasahang madaragdagan nito ng 222 billion cubic feet (Bcf) ang mababawi pang reserba ng natural gas ng bansa.
May kakayahan ang karagdagang reserbang ito na makalikha ng humigit-kumulang 31.46 bilyong kilowatt-hours ng kuryente, na sapat upang masuplayan ang 13.11 milyong kabahayang Pilipino sa loob ng isang taon.
Batay naman sa paunang resulta ng well tests, inaasahang mapapahaba ng dalawang bagong balon nang humigit-kumulang anim na taon ang produktibong operasyon ng Malampaya, depende sa magiging antas ng pagkuha at paggamit ng natural gas. (KRIS JOSE)