Home OPINION NOREEN SAN LUIS-LUTEY SA LTO, PWEDE?

NOREEN SAN LUIS-LUTEY SA LTO, PWEDE?

2
0

SA pagbabalik ni Sec. Vince Dizon sa Department of Transportation, napabalitang malilipat sa ibang posisyon sa pamahalaan si Land Transportation Chief Marcus Lacanilao. Kasabay nito, lumutang ang pangalan ni Atty. Noreen Bernadette S. San Luis-Lutey bilang posibleng kapalit niya.

Marami ang nagsasabing maayos naman ang pamamalakad ni Asec. Lacanilao bilang hepe ng LTO. Ngunit kung mas mapakikinabangan ang kanyang galing at talino sa ibang posisyon kung saan higit siyang kailangan, dapat tiyaking kasinggaling o higit pa sa kanya ang papalit sa ahensya.

Nakilala si Atty. Noreen bilang City Administrator ni dating Naga City Mayor Leni Robredo at sa malaking tulong niya sa pagpapatupad ng programang “DisipliNAGA.” Ngunit bukod sa karanasang ito, malawak din ang kanyang kaalaman sa sektor ng transportasyon.

Isa siyang mahusay na transport lawyer at nagsilbi nang 12 taon bilang Regional Director ng LTO. Pagkatapos nito, bumalik siya sa pribadong sektor bilang vice president ng Metro Pacific Tollways Corporation MPTC.

Iniwan niya ang trabahong may mataas na sahod sa MPTC upang tumulong kay Mayor Leni sa Naga City.

Si Mayor Leni ba ang nagrekomenda sa kanya para sa posisyon sa LTO? Itinanggi ito ni Mayora. Samantala, kung may nagrekomenda naman kay Asec. Lacanilao para sa ibang posisyon, hindi natin alam.

Nasa kamay ngayon ng nagbabalik na DOTr Secretary ang pagpili sa mga taong makakasama niya sa pagpapatupad ng kanyang mga plano para sa sektor ng transportasyon. Gayunman, dahil presidential appointee ang LTO chief, si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. pa rin ang may huling pasya.

Sino man ang maupo sa LTO, hindi dapat kalimutan ang mabibigat na problemang kailangang tutukan: ang LTMS online system, road rage, drunk driving, plate switching, mga fixer at iba pang suliraning direktang nakaaapekto sa mga motorista at komyuter.

Ang mahalaga, ang mapipiling mamuno ay may sapat na kakayahan, karanasan at malasakit upang maayos na mapaglingkuran ang publiko.

Atty Ariel Inton

President,

Lawyers for Commuters Safety and Protection

09178174748

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here