HIGIT isang buwan na lang Pasko na. Sino sa inyo ang nakapag-imbak na ng sardinas para ihanda sa noche buena?
Sabi kasi ng Department of Trade and Industry, sa utos ni Pangulong Bongbong Marcos, hindi magtataas ang presyo ng sardinas hanggang sa Disyembre 31.
Ibig sabihin pala, pati sa media noche o pagsalubong sa Bagong Taon ay sardinas pa rin ang maihahanda natin at mapagsasaluhan.
Seryoso ‘to mga pare at mare.
Tumaas ang inflation sa Pilipinas sa 7.8% noong October mula sa 7.2% noong September, ayon sa Philippine Statistics Authority.
Kapag mataas ang implasyon, nangangahulugan ito ng pagtaas ng pangkalahatang antas ng presyo ng mga kalakal at serbisyo sa isang ekonomiya.
Kung tumataas ang pangkalahatang antas ng presyo, mas kaunti ang mabibili ng hawak-hawak mong salapi.
Katumbas din ang implasyon ng pagtaas ng singil sa iba’t ibang serbisyo gaya ng kuryente, tubig, petrolyo at transportasyon. Kapag ganyan, para tayong sobrang pinIpiga.
Pero sabi nga ng ating Pangulo ay huwag tayo mag-panic. Hanggang mayroon tayong P96 araw-araw sa bulsa ay hindi tayo magugutom. Makakakain tayo.
Kaya sa Pasko, huwag mo na pangarapin mag-lechon, manok, hamon, spaghetti, fruit salad, keso de bola at leche flan dahil letse na ‘yan, hindi na aabot ‘ang budget mo.
Tama si Marcos, ‘yang P96 mo sa bulsa…pang-sardinas lang ang afford.
Huwag ka nang umangal!
@@
Ang saklap lang ng buhay natin ngayon mga tsong at tsang.
Habang tayo ay posibleng mag-Paskong sardinas, silang nasa Palasyo at mga nasa kapulungan ay malamang na babahain ng handa sa kanilang mga lamesa.
Malamang nasa ibang bansa at naglalaro sa snow kasama ang buong pamilya. Nagsi-selfie sa Eifel Tower.
Kasi, yung buwis natin ay kinulimbat nila.
‘Yung pondo natin para sana maalagaan ang ating kalusugan, edukasyon ng ating mga anak, tulong sana sa mga magsasaka, mangingisda at manggagawa ay nasa maleta na nila. Tayo ay nganga. Nangangamoy malansa.
Kaunting taas na nga lang sahod ang hinihingi ay hindi pa ibinigay. Ang itinaas ay presyo ng mga bilihin.
At least sabi ni Marcos at DTI, hindi naman tataas ang halaga ng sardinas. Mga hudas, barabas, echas!!!






