Home HOME BANNER STORY Pagpirma ng dokumento, detalye ng CPA firm ‘di maalala ng defense witness

Pagpirma ng dokumento, detalye ng CPA firm ‘di maalala ng defense witness

19
0

MANILA, Philippines – Hindi maalala ni Davao City Accountant Vingelin Bajan kung pinirmahan niya ang mga dokumentong may kaugnayan sa isang accounting firm kung saan siya naging partner at nagsagawa rin ng audit sa mga kumpanyang inuugnay kay Vice President Sara Duterte.

Sa pagdinig ng impeachment trial nitong Martes, Nobyembre 10, ilang senator-judges, kabilang si Senate Impeachment Court Presiding Officer Francis Escudero, ang nagpahayag ng pagkadismaya sa paulit-ulit na pagsasabing hindi matandaan ni Bajan ang mga dokumentong ipinakita sa kanya.

Kinompronta ni prosecution lawyer Mae Divinagracia si Bajan gamit ang Articles of Partnership ng Ampil, Elises, Ciudadano & Co. CPAs na isinumite sa Securities and Exchange Commission (SEC).

Nakasaad dito na naging partner si Bajan noong 2003, bago pa siya nagsimulang magtrabaho bilang job order worker sa pamahalaang lungsod ng Davao.

Ipinakita rin ang amended Articles of Partnership na nagtanggal sa pangalan ni Bajan bilang partner. Gayunman, sinabi ng saksi na hindi niya matandaan ang mga naturang dokumento.

Tinanong ni Divinagracia kung kinumpirma ni Bajan na nagsumite ang accounting firm ng amyendadong Articles of Partnership noong 2015 upang alisin ang kanyang pangalan.

Dahil hindi makakuha ng sagot ang prosekusyon, namagitan si Escudero at pinaalalahanan ang saksi na direktang sagutin ang mga tanong at huwag tumingin sa mga abogado ni Duterte kapag hindi niya alam ang isasagot.

Binalaan din ni Escudero si Bajan na maaaring maglabas ang impeachment court ng kaukulang kautusan upang pilitin siyang sumagot.

“Hindi ko po ma-remember, Your Honor po, sorry,” sagot ni Bajan.

Kinuwestiyon ni Escudero kung bakit hindi maalala ng saksi ang mahahalagang detalye ng kanyang trabaho bilang bahagi ng isang accounting firm, lalo’t kilala umano ang mga certified public accountant (CPA) sa pagiging masinop sa kanilang mga dokumento.

Nang tanungin kung pamilyar siya sa dokumentong nagtatanggal sa kanyang pangalan bilang partner, sumagot si Bajan ng oo sa tanong kung hindi niya ito kilala.

Nang ipakita naman ng prosekusyon ang orihinal na Articles of Partnership na may lagda sa ibabaw ng kanyang pangalan, hindi pa rin agad nakasagot ang saksi.

Ilang beses siyang tinanong ni Escudero kung kanya ang lagdang nakalagay sa dokumento.

Kalaunan, kinilala ni Bajan na kanya ang tax account number na nakasaad dito at inamin ding kanya ang lagda. Gayunman, iginiit niyang hindi niya maalala kung kailan at kung talagang pinirmahan niya ang dokumento.

Kinuwestiyon din ni Senator-judge Kiko Pangilinan ang pag-aatubili ni Bajan na kumpirmahin kung kanya ang lagda.

Samantala, binatikos na rin ng prosekusyon ang depensa dahil sa mga testigong sa halip na pahinain ang mga alegasyon laban sa bise presidente ay tila nagdaragdag pa umano ng mga katanungan.

Noong Lunes, sinabi ni prosecution spokesperson Robert Ace Barbers na hindi sulit ang ibinabayad ni Duterte sa kanyang legal team kung maghahain lamang ito ng mga testigong umiiwas sumagot at nagsisinungaling.

Tinukoy niya ang naunang pagtestigo ni Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin, na kinuwestiyon ng prosecution lawyer na si Benjamin Tolosa Jr. matapos nitong sabihing iisa lamang ang lupang 379-square-meter sa Matina Crossing, Davao City, at ang property na idineklara ni Duterte sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

Pag-aari ng asawa ng bise presidente na si lawyer Manases Carpio ang lote sa Matina Crossing. Iginiit ng depensa na nakasaad ang naturang ari-arian sa SALN ni Duterte bilang residential lot sa Barangay 74-A.

Ipinaliwanag ni Adalin na ginamit niya ang property identification map upang matukoy na iisa ang dalawang lokasyon. Sinabi rin niyang sinuri niya ang Transfer Certificate of Title (TCT) at mga tax declaration na umano’y tumutugma sa assessed value na P82,046 at fair market value na P2,051,150 ng lote sa Barangay 74-A.

Gayunman, sinabi ni Tolosa na hindi sapat ang mga impormasyong nakasaad sa SALN upang makumpirma na iisang ari-arian ang tinutukoy.

Itinuro rin ng abogado ang pagkakaiba sa acquisition cost ng mga lote. Ayon sa kanya, binili umano ni Carpio ang property sa halagang P6 milyon, samantalang P10 milyon naman ang idineklarang acquisition cost ni Duterte.

Dahil dito, naniniwala ang prosekusyon na magkaibang ari-arian ang mga ito at maaaring may isang lupang hindi isinama ng bise presidente sa kanyang SALN.

Sinabi rin ni Manila Rep. Joel Chua, miyembro ng prosecution panel, na sa halip na pahinain ang kanilang kaso ay maaaring naging kahinaan pa ng depensa ang pagtestigo ni Adalin.

Patuloy na nililitis si Duterte kaugnay ng Article II ng Articles of Impeachment, na tumutukoy sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman at hindi pagdedeklara nito sa kanyang mga SALN habang nanunungkulan bilang bise presidente.

Isa na lamang ang natitirang impeachment article matapos bawiin ng prosekusyon noong Oktubre 13 ang tatlo sa apat na orihinal na artikulo.

Kapag napatunayang nagkasala sa natitirang artikulo, maaaring matanggal si Duterte sa puwesto at maharap sa permanenteng diskuwalipikasyon sa paghawak ng anumang pampublikong posisyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here