UPANG higit pang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga manggagawang Pilipino sa kalsada,
inoobliga na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga digital labor platforms, delivery at
logistics companies, at employers na magpatupad ng mga hakbang upang protektahan ang mga delivery
at motorcycle taxi riders laban sa occupational heat stress sa panahon ng El Niño at matinding tag-init.
Sa ilalim ng Labor Advisory No. 22, Series of 2026, na nilagdaan ni Labor Secretary Francis N.
Tolentino, inaatasan ang mga sakop na kumpanya na magsagawa ng Hazard Identification, Risk
Assessment, and Control (HIRAC) sa mga ruta ng delivery at magtakda ng mga hakbang pangkaligtasan
batay sa antas ng heat index, aktwal na kondisyon sa trabaho, tagal ng biyahe, at pagkakaroon ng
inuming tubig at mga lilim na pahingahan.
Libreng Tubig, Cooling Breaks, at 24/7 SOS
Obligado rin ang mga platform at employer na ipaalam sa mga rider ang kasalukuyang lebel ng heat
index at maglaan ng mga sumusunod:
Libreng inuming tubig at mga shaded rest areas
Hydration at cooling breaks
Angkop na protective equipment at first-aid assistance
Pagbabawas, pag-reschedule, o pagsuspinde ng mga delivery assignments kapag nagdudulot na
ng seryosong panganib ang matinding init
Upang mapalakas ang kahandaan sa emergency, dapat magpanatili ang mga kumpanya ng 24/7
emergency assistance channels at madaling ma-access na SOS functions. Tinitiyak din ng patakaran
na hindi na kailangang tapusin ng isang rider ang kanyang delivery bago makatanggap ng tulong kung
nakararanas na ito ng malubhang sintomas dulot ng init.
Mahigpit na Bawal ang Parusa sa mga Rider
Binigyang-diin sa kautusan na mahigpit na ipinagbabawal sa mga platform at employer ang
pagpapataw ng anumang parusa laban sa mga rider na magpapahinga, magpapalit ng ruta, o
magkakansela ng delivery dahil sa mapanganib na kondisyon ng panahon. Kabilang sa mga
ipinagbabawal ang:
1. Pagbabawas sa kita (deductions)
2. Pagpapababa ng ratings o pagbabawas ng incentives
3. Paglilimita sa access sa mga assignments o bookings
4. Pagsuspinde o pag-deactivate ng kanilang account
SSS Registration, Training, at Parusa sa mga Lalabag
Bukod dito, inaatasan din ang mga sakop na kumpanya na magbigay ng heat-safety training, i-enroll ang
mga rider sa Social Security System (SSS), itala ang mga sakit na may kaugnayan sa init sa trabaho, at
magsumite ng Work Accident/Illness Report (WAIR) sa kaukulang DOLE Regional Office sakaling
magkaroon ng insidente ng pagkakaospital, permanenteng kapansanan, o pagkasawi.
Ang sinumang lalabag sa mga panuntunang ito ay haharap sa kaukulang hakbang, administrative
sanctions, at mga parusa sa ilalim ng umiiral na batas.






