NOONG panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kapansin-pansin ang takot ng marami sa batas at sa mga pulis. Sa pananaw ng ilan, mas maayos ang ugnayan ng pulis at mamamayan dahil may disiplina sa magkabilang panig—iginagalang ng sibilyan ang pulis, at iginagalang din ng pulis ang sibilyan.
Pero ngayon, tila nagbago ang ihip ng hangin. Sa mga kilos-protesta, may mga ralyistang handang makipagsagutan, manulak at manakit ng pulis. Sa kabilang panig, may mga pagkakataong ang mga pulis mismo ang nasasangkot sa mga alegasyon ng pagmamalabis sa kapangyarihan. Kapwa tila nawawalan ng pagpipigil. Ang dating paggalang ay napapalitan ng komprontasyon, at ang batas ay tila hindi na sapat na panakot sa mga lumalabag.
Kamakailan, iniulat ng NCRPO na 15 pulis ang nasugatan sa komosyon sa Liwasang Bonifacio noong Nobyembre 15, kasabay ng pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit. Nagbabala si NCRPO Acting Regional Director PBGen. Christopher Abrahano na pananagutin ang sinomang mapatutunayang nanakit ng mga pulis o gumamit ng karahasan.
Tama lamang na managot ang sinomang mananakit ng alagad ng batas. Hindi “punching bag” ang pulis. Ngunit hindi rin “punching bag” ang mamamayan. Ang uniporme ay hindi lisensiya para mang-abuso, gaya ng karapatang magprotesta ay hindi lisensya para manakit at manggulo.
Bakit tila walang kinatatakutan ang ilang ralyista ngayon? Dahil ba mahina ang pagpapatupad ng batas? Dahil ba nawawala ang tiwala ng publiko sa mga institusyong dapat magpatupad nito? O dahil may mga pagkakataong ang mismong mga awtoridad ay hindi nakapagpapakita ng halimbawang dapat sundin? Mga tanong itong kailangang sagutin sa pamamagitan ng patas na imbestigasyon at pare-parehong pagpapatupad ng batas.
Hindi rin dapat ipagkamali ang tapang ng mamamayang naninindigan sa kawalan ng disiplina. Ang mapayapang protesta ay karapatang konstitusyonal, hindi krimen. Ngunit kapag nauwi sa pananakit, kailangang managot ang may sala. Gayundin, dapat imbestigahan at panagutin ang sinomang pulis na mapatutunayang lumabag sa batas o umabuso sa kapangyarihan.
Hindi takot ang tunay na pundasyon ng kaayusan. Disiplina, tiwala at paggalang sa batas ang kailangan at dapat itong magsimula sa mga nagpapatupad nito. Kung nais nating igalang ng mamamayan ang pulis, dapat ding ipakita ng pulis na karapat-dapat siyang igalang.
Dahil ang batas ay hindi sandata ng makapangyarihan laban sa mahina. Ito ang pananggalang ng lahat maging pulis man o sibilyan. Walang dapat katakutan at walang sinoman ang dapat na ituring na “untouchable.” Higit sa lahat, walang dapat maging biktima ng pang-aabuso.






