MANILA, Philippines – Hindi pa rin inaalis ng House prosecution panel ang planong humiling ng parusa laban kay Vice President Sara Duterte at spokesperson nitong si Atty. Paolo Panelo dahil sa umano’y paglabag sa sub judice rule ng impeachment court.
Ayon kay private prosecutor at tagapagsalita ng panel na si Benjamin “Jay” Tolosa Jr., inihahanda pa ang pormal na mosyon habang abala rin ang prosecution sa paghahanda para sa cross-examination ng mga testigo ng depensa ngayong linggo.
“At the same time, we’re still currently preparing also the motion that we’ll file with regards to the sub judice violations of the Vice President and her spokesperson,” ani Tolosa.
Nagpatuloy nitong Huwebes, Nobyembre 19, ang impeachment trial ni Duterte sa Senado, kung saan naghain ang kanyang mga abogado ng karagdagang ebidensyang sasagot sa natitirang alegasyon tungkol sa hindi maipaliwanag na yaman.
Nagsimula ang usapin sa pagdinig noong Nobyembre 10, nang kuwestiyunin ni lead defense counsel Shiela Sison ang mga pahayag ng mga abogado ng prosecution sa media interview. Partikular niyang binanggit si Tolosa dahil sa umano’y pagtalakay nito sa mga usaping saklaw ng nagpapatuloy na paglilitis.
Sinabi ni Tolosa na naging maingat siya sa mga pahayag sa publiko tungkol sa kaso at inaasahan niyang idaraan ng depensa sa tamang proseso ang anumang pagtutol nito.
Sa naturang pagdinig, nagpahayag din ng pangamba si Tolosa sa mga pahayag na iniuugnay kay Duterte at Panelo na maaaring makaapekto umano sa tiwala ng publiko sa impeachment court at sa mga senador na nagsisilbing hukom.
Nakalaan naman sa prosecution ang karapatang humiling ng aksyon laban sa dalawa, habang sinabi ng namumunong opisyal ng korte na susuriin ang mga pampublikong pahayag ng magkabilang panig alinsunod sa umiiral na mga patakaran.
Samantala, sinabi ni Tolosa na hinihintay niya ang pormal na reklamo ng depensa laban sa kanya upang maihanda ang kanyang sagot.
Nauna nang iniutos ng Senate impeachment court ang pagpapatupad ng Rule XVIII o sub judice restrictions sa lahat ng artikulo ng impeachment, kabilang ang mga binawi na ng prosecution, upang maiwasan ang mga pahayag na maaaring makaapekto sa paglilitis. RNT/MDS