PORMAL nang nagsanib-puwersa ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), National
Irrigation Administration (NIA), at Maynilad Water Services, Inc. (Maynilad) upang higit pang patatagin
ang seguridad sa suplay ng tubig sa lalawigan ng Cavite sa pamamagitan ng paglagda sa dalawang
makasaysayang kasunduan noong Nobyembre 11, 2026.
Sa ilalim ng nasabing mga kasunduan, papayagan nang gamitin ang sobrang tubig (excess water
resources) mula sa mga pasilidad ng NIA upang iproseso at gawing malinis na inuming tubig para sa
pampublikong suplay ng mga residente sa bahagi ng Cavite.
Pinangunahan ang pormal na paglagda nina MWSS Board of Trustees Chairman Atty. Elpidio J. Vega,
NIA Administrator Eduardo G. Guillen, MWSS Administrator Engr. Leonor “Bobby” C. Cleofas, at
Maynilad President and Chief Executive Officer Ramoncito S. Fernandez.
39.1 MLD na Dagdag na Suplay para sa Bacoor at Imus
Saklaw ng dalawang kasunduan ang paglinang sa apat (4) na karagdagang mapagkukunan ng tubig
(water sources) na may pinagsamang potensyal na treatment capacity na umaabot sa 39.1 million liters
per day (MLD).
Oras na makumpleto at maging ganap na operational ang mga kaukulang pasilidad at water treatment
plants, inaasahang direktang makikinabang dito ang tinatayang 176,000 residente o halos 30,000 water
service connections sa mga lungsod ng Bacoor at Imus, Cavite.
Malaking tulong ito upang masigurong tuloy-tuloy ang daloy ng tubig sa mga kabahayan at negosyo sa
nasabing mga lugar, lalo na sa mga oras na mataas ang konsumo (peak hours).
Paghahanda Laban sa El Niño at Pagbabago ng Panahon
Binigyang-diin ng Maynilad na ang hakbang na ito ay patunay ng matibay na pakikipagtulungan ng
pribadong sektor at mga ahensiya ng pamahalaan upang lubos na mapakinabangan ang mga umiiral na
yamang-tubig ng bansa at maiwasan ang pagkasayang ng sobrang tubig mula sa irigasyon.
Bukod sa pagtugon sa kasalukuyang pangangailangan ng lumalaking populasyon sa Cavite, layunin din
ng inisyatibong ito na magkaroon ng iba't ibang mapagkukunan ng tubig (diversification of supply
sources) bilang bahagi ng pangmatagalang paghahanda at katatagan (resilience) laban sa banta ng El
Niño at iba pang hamon na dulot ng climate change.






