Home METRO Antas ng tubig sa Laguna de Bay, bumaba sa 11.60 metro; papalapit...

Antas ng tubig sa Laguna de Bay, bumaba sa 11.60 metro; papalapit sa critical-low level

19
0

LUCENA CITY – Patuloy ang pagbaba ng antas ng tubig sa Laguna de Bay dahil sa umiiral na tuyong kondisyon na dulot ng El Niño, kung saan naitala ito sa 11.60 metro nitong Lunes, Nobyembre 23, ayon sa Laguna Lake Development Authority (LLDA).

Batay sa monitoring ng ahensya, ang naturang lebel ay 1.10 metro na lamang ang layo sa itinakdang critical-low level na 10.50 metro.

Nakapagtala rin ang lawa ng 11.73 metro noong Nobyembre 11, 11.74 metro noong Nobyembre 10 at 11.76 metro noong Nobyembre 9, na nagpapakita ng tuluy-tuloy na pagbaba ng tubig.

Huling lumampas ang Laguna de Bay sa critical-high level na 12.50 metro noong Oktubre 2, nang umabot sa 12.52 metro ang antas nito. Pagsapit ng Oktubre 8, bumaba ito sa 12.41 metro at nagpatuloy ang pababang trend.

Nagsisilbing natural na imbakan at saluhan ng tubig ang Laguna de Bay mula sa mga watershed sa Laguna at Rizal, gayundin sa ilang bahagi ng Metro Manila.

Samantala, nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na inaasahang magpapatuloy ang very strong El Niño hanggang unang bahagi ng 2027 at posibleng umabot sa pinakamalakas nitong yugto bago matapos ang 2026.

Dahil dito, inaasahan ang mas mababang antas ng pag-ulan sa maraming bahagi ng bansa, na maaaring magdulot ng mas matinding tuyong panahon at tagtuyot sa mga apektadong lugar.

Pinayuhan ng PAGASA ang mga ahensiya ng pamahalaan at publiko na magpatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng tubig at maayos na pamamahala sa mga pinagkukunan nito upang mabawasan ang epekto ng El Niño. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here