Home NATIONWIDE Mga footbridge, elevator sa EDSA busway, nais pangasiwaan ng DOTr

Mga footbridge, elevator sa EDSA busway, nais pangasiwaan ng DOTr

2
0

MANILA, Philippines – Hiniling ng Department of Transportation (DOTr) sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ilipat sa ilalim ng pangangasiwa ng ahensya ang 19 pedestrian footbridge at limang elevator na konektado sa mga istasyon ng EDSA Busway.

Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, layunin nitong magkaroon ng iisang ahensyang mananagot sa pangangasiwa at pagpapanatili ng mga pasilidad.

“Kami na ang magiging responsable sa DOTr para single accountable agency na lang,” ani Dizon.

Iniulat din ng DOTr na natapos na ang rehabilitasyon ng pito sa 23 istasyon ng EDSA Busway, habang nakatakda namang kumpunihin ang mga natitirang istasyon bago matapos ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kabilang dito ang Balintawak Station na nakatakdang sumailalim sa rehabilitasyon sa susunod na taon, na may nakalaang P70 milyon para sa pagpapaganda ng istasyon at footbridge nito.

“Pagawa na rin natin lahat. Hopefully magkaroon tayo ng enough budget for all the other stations by the end of next year. Yung 23 bus stations natin maaayos natin lahat. Para pagdating ng susunod na administrasyon at least kahit papaano maginhawa na yung biyahe ng mga kababayan natin. So aaraw-arawin natin ito at babantayan,” pahayag ni Dizon.

Isinasagawa na rin ang clearing operations sa mga footbridge upang matiyak na maayos at maluwag ang daanan ng mga pedestrian.

Ayon kay Dizon, nakahahadlang sa mga nagmamadaling commuter ang mga vendor na nagtitinda sa mga footbridge. Inatasan umano ang incoming Assistant Secretary na si Gab Go na tutukan ang paglilinis ng mga lugar, dahil may mga vendor na bumabalik matapos ang clearing operations.

Kasama rin sa rehabilitasyon ang paglalagay ng permanenteng self-cleaning toilet sa mga istasyon bilang kapalit ng mga portable toilet.

“Gagawa na tayo ng permanenteng self-cleaning toilets, hindi yung portalet na pang-concert. Baka overnight lang mabaho na yan. Para mas madali i-maintain tsaka malinis talaga,” ani Dizon.

Nagbabala rin ang kalihim laban sa vandalism at sinabing paiigtingin pa ang mga hakbang sa seguridad habang nagpapatuloy ang pagpapaganda at pagpapaunlad sa mga istasyon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here