SECONDARY FB PROFILES, TATANGGALIN NA NG META SA DEC. 14
NAKATAKDANG tuluyang alisin ng Meta Platforms, Inc. ang lahat ng additional o karagdagang personal
Facebook profiles na nakaugnay sa iisang FB account simula Disyembre 14, 2026. Dahil dito, hinihikayat
ang mga apektadong users na agad i-download at i-back up ang kanilang mahahalagang larawan, video,
at impormasyon bago ang itinakdang petsa.
Ayon sa Meta, ang hakbang ay bahagi ng pagbabago sa sistema ng pamamahala ng mga profile sa
platform. Ang tinutukoy na additional profiles ay ang feature na ipinakilala noong Setyembre 2023 na
nagpapahintulot sa mga user na gumawa ng magkakahiwalay na personal profile na may sariling
kaibigan at news feed sa ilalim lamang ng iisang Meta login.
Main Profile, FB Pages, at Hiwalay na Accounts, Hindi Apektado
Nilinaw ng Meta na hindi maaapektuhan ang pangunahing Facebook profile (main profile) na unang
ginawa ng user nang magparehistro sa platform. Hindi rin saklaw ng pagtanggal ang mga FB Pages na
ginagamit ng mga negosyo, organisasyon, at personalidad, gayundin ang mga hiwalay na FB accounts
na may sariling login credentials.
Pinapayuhan ang mga may additional profiles na huwag nang hintayin ang huling araw bago mag-save
ng data dahil maaaring tumagal ang paghahanda ng data export.
Mga Hakbang sa Pag-download ng Impormasyon
Upang mapanatili ang mga digital records mula sa additional profile, sundin ang mga sumusunod:
1. Mag-log in at lumipat sa additional profile na nais i-save.
2. Pumunta sa Settings & privacy, pagkatapos ay piliin ang Settings.
3. Sa ilalim ng Your information and permissions, piliin ang Export your information.
4. I-click ang Create export, piliin ang additional profile, at tukuyin kung ida-download ang
impormasyon sa sariling device o ililipat sa external service.
5. Piliin ang mga impormasyong nais panatilihin at i-click ang Create export upang simulan ang
proseso.
Kung higit sa isa ang additional profiles ng isang user, kailangang ulitin ang proseso sa bawat isa dahil
magkakahiwalay ang pag-export ng kanilang impormasyon. May ilang advertising information din mula sa
additional profiles na makukuha lamang sa pamamagitan ng pag-export mula sa main profile.
Paalala sa mga Admin ng Facebook Groups
Nagpaalala rin ang Meta sa mga gumagamit ng additional profiles bilang administrator ng mga FB
Groups na ilipat ang pagiging admin sa kanilang main profile o sa ibang kwalipikadong profile bago ang
Disyembre 14. Kapag walang itinalagang bagong admin, maaaring pansamantalang i-pause ang FB
group hanggang sa magkaroon ito ng bagong tagapamahala.
Maaari namang muling buuin ng mga user ang kanilang mga koneksiyon sa pamamagitan ng
pagdaragdag ng mga kaibigan, pagsali sa mga dating grupo, at pag-follow sa mga FB Pages gamit ang
kanilang main profile, o sa tulong ng opsiyong Review connections.






