MANILA, Philippines – Asahan ang pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa ngayong Lunes, Nobyembre 30, kasabay ng paggunita sa Bonifacio Day.
Batay sa pagtataya ng PAGASA, inaasahang lalakas ang hanging amihan na magdadala ng maulap na kalangitan at pag-ulan sa Cagayan Valley at Aurora.
Posible rin ang mahihinang pag-ulan sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera, iba pang bahagi ng Central Luzon, Cavite at Batangas.
Samantala, magdudulot naman ang shear line ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog at pagkidlat sa Quezon, Marinduque, Bicol Region, Eastern Visayas at Caraga.
Sa hiwalay na pagtataya ng WeatherPH, mataas ang posibilidad ng malakas na pag-ulan sa Camarines Norte, Eastern Samar at Oriental Mindoro.
Inaasahang papalo sa 27 hanggang 29 degrees Celsius ang temperatura sa Metro Manila, 24 hanggang 30 degrees Celsius sa Cebu at 26 hanggang 30 degrees Celsius sa Davao.
Pinapayuhan ang publiko, partikular ang mga dadalo sa mga aktibidad kaugnay ng Bonifacio Day, na magdala ng payong at sumubaybay sa pinakabagong weather advisories ng PAGASA. RNT