Home NATIONWIDE Abalos: OSAEC cases ‘di dapat sa barangay aregluhin

Abalos: OSAEC cases ‘di dapat sa barangay aregluhin

MANILA, Philippines- Sinabi ni Interior Secretary Benhur Abalos Jr. na hindi dapat inaayos ang Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) sa barangay level.

Sa katunayan, hinikayat ni Abalos ang publiko na dalhin ang ganitong uri ng insidente sa law enforcement authorities dahil karamihan sa mga kaso ng online sexual abuse laban sa mga menor-de-edad ay hindi na umabot pa sa kaugnay na mga opisyal ng batas.

Kaya ang babala ni Abalos sa local officials ay mananagot sila kapag napatunayang nasa likod ng ”settlement” ng mga ganitong uri ng kaso.

”Ito na ‘yung winawarning ko sa lahat na mga barangay. Hindi na puwede mag-settle. Hindi puwede i-settle ito, I’m warning you…”  babala ni Abalos.

“Kung sino man ang makipagsettle dito , I will make sure makukulong din kayo,” ayon pa rin sa Kalihim.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni Margarita Magsaysay, officer-in-charge at executive director ng National Coordinating Council on OSAEC at CSAEM, kung ang mga ganitong kaso ay hindi inendorso sa mas mataas na awtoridad, maaari pang makapangbiktima ng ibang indibidwal.

”Dapat ineendorse agad sa law enforcement authority, ang nangyayari ngayon sabi nga ni Sec., sinesettle na kasi sa level nila, siguro to maintain family harmony or whatever pero hindi ‘yun puwede. It shouldn’t be settled at their level,” ayon kay Magsaysay.

Samantala, ipinag-utos naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglikha ng centralized system para sa pagtukoy at pag-uulat ng OSAEC cases gamit ang teknolohiya at specialized cybercrime mechanisms.

Inatasan ni Pangulong Marcos ang lahat ng kinauukulang ahensya na unang bigyan ng proteksyon ang lahat ng mga kabataan sa gitna ng lahat ng kanilang programa at polisiya.

Nais ni Pangulong Marcos na tugisin ng Philippine National Police at ng iba pang kaugnay na ahensya ang mga salarin na sangkot sa “making, processing and distributing child sexual abuse materials” gamit ang buong bigat ng batas. Kris Jose