Ipinangako ng tumatakbong kandidato bilang alkalde ng Las Piñas na si Carlo Aguilar na kanyang ipagtatanggol ang karapatan ng tinatayang 10,000 informal settler sa lungsod kasabay ng pagtiyak na “walang magaganap na demolisyon” sa ilalim ng kanyang panunungkulan.
Sa halip na malawakang relokasyon o pagpapalayas, isinusulong ni Aguilar ang pagpapalakas ng Community Mortgage Program (CMP) — isang programang pinopondohan ng pamahalaan na nagbibigay-daan sa mga organisadong pamilyang informal settler na mabili at mapaunlad ang lupang kanilang tinitirhan sa pamamagitan ng abot-kayang buwanang hulog sa mahabang panahon.
“Malinaw ang aking paninindigan: walang demolisyon sa ilalim ng aking administrasyon,” pahayag ni Aguilar. “Dapat nating protektahan ang ating mga komunidad ng informal settler, na maraming taon nang naninirahan sa Las Piñas at araw-araw na tumutulong sa kabuuang takbo ng ating lungsod.”
Ang posisyon ni Aguilar ay kaiba sa pangunahing programa ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH), na nag-aalok ng medium-rise public housing units na may tinatayang buwanang bayad na ₱3,000 hanggang ₱4,000. Bagaman kinikilala niya ang layunin ng pambansang programa, iginiit ni Aguilar na hindi ito praktikal para sa karamihan sa mga pamilyang urban poor sa Las Piñas.
“Sila ay mga manggagawa sa konstruksyon, labandera, tindera, at kasambahay. Ang pagbabayad ng ₱3,000 bawat buwan para sa pabahay ay hindi makatotohanan. Hindi ito makakatulong—bagkus, isinasarado nito ang pinto sa kanilang karapatan sa disenteng tirahan,” ani Aguilar.
Ibinahagi rin ni Aguilar ang datos mula sa Social Housing Finance Corporation (SHFC), na nagpapakita na sa maraming kasalukuyang proyekto ng CMP, ang mga benepisyaryo ay nagbabayad lamang ng ₱300 hanggang ₱600 kada buwan. “Iyan ang antas ng tulong na kayang bayaran ng ating mga kababayan nang hindi nangangambang mapalayas,” aniya. “Epektibo ang CMP dahil akma ito sa kakayahang pinansyal ng mga naninirahan sa komunidad.”
Tinukoy din ni Aguilar ang Urban Development and Housing Act of 1992 (Republic Act No. 7279), na nagbabawal sa anumang sapilitang pagpapaalis o demolisyon kung walang sapat na relokasyon, konsultasyon, at tamang proseso. “Hindi natin maaaring bigyang-katwiran ang paggiba ng mga bahay kung wala namang malinaw at makataong alternatibo. Saan sila titira habang may konstruksyon? Napakarami na nating nakitang palpak na relokasyon na sa halip na makatulong ay sumira ng buhay,” dagdag niya.
Sa ilalim ng kanyang panukalang programa sa pabahay, plano ni Aguilar na palawakin ang access sa CMP at magpatupad ng komprehensibong suporta para sa mga informal settler na nakatuon sa limang pangunahing bahagi:
Pagpapaunlad ng Komunidad: Pag-aayos ng mga kalsada, kanal, at pangunahing serbisyo
Pondo mula sa LGU para sa Survey at Dokumentasyon: Sasagutin ng pamahalaang lungsod ang gastos sa pagsusukat at dokumento upang mapadali ang land ownership
Libreng Legal na Tulong: Gabay sa pagkuha ng titulo at iba pang legal na proseso
Pagsasanay sa Kabuhayan at Kasanayan: Pagbibigay ng hanapbuhay at kaalaman para sa karagdagang kita
Partisipasyon ng Mamamayan: Pagtiyak na kasama sa bawat hakbang ang mismong komunidad
Binigyang-diin ni Aguilar na ang pabahay ay hindi lamang tungkol sa kongkretong istruktura kundi pati sa seguridad, dignidad, at karapatang manatili sa komunidad na matagal nang tinatawag ng tao na tahanan.
“Hindi relokasyon ang kailangan ng ating mga kababayan, kundi pagkilala sa kanilang karapatan bilang tao. Ang pinakamagandang programa sa pabahay ay ‘yung kakampi ng komunidad, hindi kalaban,” sabi ni Aguilar. (James I. Catapusan)