MANILA, Philippines – Nilinaw si Vice President Sara Duterte na ang responsibilidad ng kaligtasan sa kalsada ay hindi lamang para sa mga traffic enforcer, kundi para sa lahat ng mga tao.
Sa pahayag nitong Lunes, Mayo 5, sinabi ni Duterte kasabay ng Land Transportation Safety Month, na mahigit 11,000 Filipino ang namatay noong 2021 dahil sa mga aksidente sa kalsada.
Aniya, karamihan sa mga nasawi ay mga pedestrian, motorista, at pasahero ng tricycle.
Karamihan din sa mga nasawi ay edad 15 hanggang 29.
“Ang road safety ay hindi lang trabaho ng traffic enforcers. Tungkulin ito ng bawat isang mamamayan, pribadong sektor, at pamahalaan,” ani Duterte.
“Mga kababayan, sumunod tayo sa batas-trapiko. Gamitin ang tamang tawiran. Iwasan ang paggamit ng cellphone habang nagmamaneho o naglalakad. At i-report agad ang mga panganib sa daan. Simpleng disiplina, malaking ambag sa kaligtasan,” dagdag pa ng Bise Presidente.
Ang pahayag ni Duterte ay kasabay ng magkakasunod na insidente ng trahedya na kinasangkutan ng mga sasakyan, katulad ng karambola sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEx) sa Tarlac City, na kumitil ng buhay ng 10 katao, at ang pag-araro ng isang SUV sa mga tao sa Terminal 1 ng NAIA. RNT/JGC