MANILA, Philippines – Nanawagan ang provincial government ng Bulacan na palitan na ang anim na rubber gate sa Bustos Dam matapos na masira ang isa sa mga ito.
Sa panayam nitong Lunes, Mayo 5, nagpahayag ng pangamba ang Bulacan government na kung masisira ang iba pang mga gate ay maaari itong magdulot ng seryosong peligro.
Naiparating na sa National Irrigation Administration (NIA) ang naturang isyu para sa agarang aksyon.
Ayon sa Bulacan LGU, dapat na gumamit ng mas matibay na materyales para sa pagpapalit ng anim na rubber gate sa Bustos Dam.
Samantala, sinabi naman ng NIA na gumagawa na ito ng kaukulang hakbang para tugunan ang isyu, bagama’t humaharap ng pagsubok pagdating sa pondo.
Matatandaan na binalaan ang ilang lokal na pamahalaan sa Bulacan ng posibleng pagbaha matapos na mapinsala ang Gate 3 ng Bustos Dam.
Ang Gate 3 ng Bustos Dam ay napinsala umano dahil sa mainit na panahon.
“With reference to the present water level of Angat River from Bustos towards Calumpit, it is within yellow markings or low level status.”
“Thus, the release of 2.38 mts. flowing to the stretch of Angat River towards Calumpit will not cause alarm.”
Sinabi ng Bulacan government na noong 2022 ay nagbigay na ito ng ultimatum sa mga contractor na palitan ang lahat ng anim na rubber bladders ng Bustos Dam “but to no avail.” RNT/JGC